Nagsimula na nga ang taping ng sitcom ni John Lloyd Cruz sa GMA Network; ang 'Happy ToGetHer'

Mismong si Carmi Martin na isa sa mga kinuhang cast members nito ang nagbahagi ng litrato nila ni JLC at isa pang kasamahang si Miles Ocampo, sa kaniyang Instagram account.

"Thank you Lord for this blessing. 1st day and 1st take for Happy ToGetHer. johnlloydcruz83 & milesocampo," #CarmiMartin," caption ni Carmi.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

May be an image of 3 people, people standing and indoor
Carmi Martin, Miles Ocampo, at John Lloyd Cruz (Larawan mula sa IG/Carmi Martin)

Samantala, marami naman sa mga netizen ang nagsabing 'Home Sweetie Home' vibes daw ang datingan, lalo't halos ang mga magkakasama rito ay mula sa naturang defunct sitcom ng Kapamilya Network, bago mag-hiatus si John Lloyd kasama ang ex na si Ellen Adarna.

Si Miles Ocampo, bagama't siya ay freelancer, ay bahagi pa rin ng Star Magic, ang talent-management arm ng ABS-CBN. Ilan pa sa mga Kapamilya talents na makakasama rito ay sina Jayson Gainza at Janus Del Prado. Balita rin na ang ilang staff ng dating sitcom ni JLC ang kinuha nila ng direktor na si Direk Edgar 'Bobot' Mortiz, na dating direktor sa ABS-CBN, at sa mga sitcom na 'Going Bulilit' at HSH.

"Ano ba ito, parang ekstensyon na ng ABS ang GMA dahil yung mga lumilipat ang halos nabibigyan ng break," wika ng isang netizen.

"Si Toni Gonzaga na lang kulang at Home Sweetie Home part 2 na yata ito," saad naman ng isa.

"Bakit kaya walang leading lady? Baka walang permanent leading lady para malaya yung karakter ni John Lloyd na mai-pair up sa iba. Pero syempre, sana naman mai-guest niya si Bea Alonzo," pahayag naman ng isa.

Screengrab mula sa IG/Carmi Martin

Noong Nobyembre 9 ay ibinahagi rin ni Carmi ang screengrab ng kanilang Zoom meeting.

Sa panayam ng 'Kapuso Mo Jessica Soho' kay John Lloyd nitong recent Sunday episode, Nobyembre 21, sinabi niya na ang dahilan kung bakit siya lumipat sa GMA ay dahil trabaho na ang hinahanap niya at para makatulong sa mga dating kasamahan na nawalan ng trabaho.

Matatandaang isa ang Home Sweetie Home sa mga palabas ng Kapamilya Network na tinigbak matapos mawalan ng prangkisa ang dating home station ni JLC.