Ibinahagi ng isang TV personality at dancer na si Mylene Nocon o kilala sa pangalang 'Ayuda G' ang kaniyang naging karanasan nang kumuha siya ng ayuda o cash assistance sa kanilang barangay, na bahagi ng programa ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Sa kaniyang Facebook post noong Nobyembre 19, ibinahagi ni Ayuda G ang sinabi sa kaniya ng isang taga-DSWD nang kukunin na niya ang ayuda. Mukha kasing 'yayamanin' ang dalaga at talaga namang kahit simpleng white dress ang suot niya, napakaganda at nakapa-elegante niyang tingnan. Natanong tuloy siya ng taga-DSWD kung kailangan pa ba niya ng pera.
"Kumuha ng ayuda ganito ang suot eksena."
"Ate DSWD: sure ka po bang need n 'yo ng ayuda?"
"Alam kong maganda sa akin ang dress na 'to 'te pero mura lang 'to, nasa 300 lang 'to. Mga gold ko, dati pa 'tong panahon na may trabaho pa ako (karamihan pa dito hindi tunay. Almost year akong walang trabaho. Ngayon pa lang ako bumabangon.
Parang pala-desisyon ka ate," aniya.
Kaya naman, napatanong tuloy si Ayuda G. Sana raw ay huwag ibatay sa hitsura ng tao kung kailangan ba niya ng ayuda o hindi. Lahat umano ay apektado ng pandemya.
"Question??"
"Ba't kailangan maging mukhang gusgusin pag kukuha ng ayuda? Eh lahat ng tao need ng pera lalo na sa panahon ngayon. Hirap sa ating mga Pilipino, mindset natin iba ih, hindi ba dapat kaming mga nawalan ng trabaho ang isa rin sa priority ng gobyerno dahil kaming mga may trabaho ang mas apektado ng pandemya?"
"Kaysa sa mga taong sinasabi n 'yong mahihirap eh wala naman talagang mga trabaho ang iba sa kanila bago pa magpandemya?? Paki-explain labyu mwah."
"PS: nashare ko lang ang thoughts ko hehe God bless."
Nilinaw naman ni Ayuda G na hindi siya galit sa babaeng taga-DSWD at lalo na sa pamahalaan. Ibinahagi lamang niya ang reaksyon at tumatakbo sa isip niya kaya niya ibinahagi ito. Gusto lamang niyang ipagdiinan ang sinasabi ng matandang kasabihan sa Ingles na 'Don't judge a book by its cover'. Ibinahagi niya ito sa isa pang Facebook post nitong Nobyembre 21.
"Hindi naman tayo galit sa DSWD, na-share ko lang ang naiisip ko dahil naisip ko lang ang mga taong may mga KAYA na kaibigan natin na hindi nagkaka-ayuda. Isa lang naman ang punto, itrato natin ang isa't isa nang pantay. At matagal ng kasabihan ito, 'DON’T JUDGE A BOOK BY ITS COVER'".
"Pag nakalista 'yan siguro naman deserve niya na yung AYUDA na para sa kanya."
"PS: MABAIT naman si Ateng DSWD."
"Na-share ko lang ang naisip ko."
"Kaya easyhan n 'yo labyu all."
Sa isa pang Facebook post nitong Nobyembre 22, pinasalamatan ni Ayuda G ang Brightlight Productions dahil nabigyan ulit siya ng pagkakataong makapagtrabaho. Napapanood si Ayuda G bilang isa sa mga dancer sa noontime show na 'Lunch Out Loud' o LOL sa TV-5.
Ipinaliwanag niya ulit na ang punto niya, deserve ng lahat ang mabiyayaan ng ayuda: mayaman man, may kaya, o mahirap.
"Di naman akin yung production tagadala lang ako ng AYUDA. Nyahahaha, pasensya na kayo sa damit ko bata pa lang ako pala-outifit na talaga ako. I am who I am. Ang punto lang naman LAHAT DESERVE MAGKAAYUDA, mayaman, may kaya o mahirap lahat tayo deserve 'yan. Especially ang mga tax payers 'di ba?"
"Wala naman akong sinabing hindi deserve ng mga nasa level 1 of life, lahat nga sabi ko 'di ba."
"May ipon nga ako naging zero naman, dahil nga po almost year akong walang work ngayon, may work na ko salamat kay LORD, at sa BRIGHTLIGHT PROD. Binigyan nila ko ng work. Pero kailangan ko pa din ng ayuda, bawas pa rin yun sa lumilipad kong sahod buwan-buwan papuntang bayarin. Thanks everyone. Labyu all. PATIS! To God be the Glory."
Mapapanood si Ayuda G sa noontime show na LOL mula Lunes hanggang Biyernes ng tanghali.
Ang nagbigay naman ng pangalang 'Ayuda G' kay Mylene ay ang stage director at choreographer ng Lunch Out Loud na si Mariposa Cabigquez, na unang nakilala bilang 'Mariposa' at isa sa mga dancer sa 'Wowowee' ni Willie Revillame, noong nasa ABS-CBN pa ito.
Sa ngayon ay tumatakbong konsehala ng Meycauayan, Bulacan si Mariposa.