Bilang paghahanda sa pagpapalawak ng limited face-to-face classes para sa college level, inuuna rin ng pamahalaang panlalawigan ng Iloilo ang mga estudyante ng state universities and colleges (SUCs) para sa pagbabakuna laban sa COVID-19.
“We are vaccinating [students who have not yet been vaccinated] in preparation for that,” sabi ni Iloilo Governor Arthur Defensor Jr.
Ito ay matapos aprubahan kamakailan ng Inter-Agency Task Force (IATF) against COVID-19 ang panukala ng Commission on Higher Education (CHED) na muling buksan ang mga klase sa mga lugar na mababa sa Alert Level 3.
Sinimulan ng vaccination team mula sa Iloilo Provincial Health Office nitong Lunes, Nob. 22, ang pagbabakuna sa mga piling estudyante sa kolehiyo sa West Visayas State University (WVSU) sa Iloilo City.
Sinabi ni Dr. Joseito Villaruz, pangulo ng WVSU, na magdadala ito ng mas maraming pagkakataon para magdagdag ng limited face-to-face classes sa Enero 2022. Nauna nang ipinagpatuloy ng unibersidad ang pisikal na klase para sa mga kursong medikal.
Ang pagbabakuna sa Nob. 22 ay susundan agad ng mga nasa main campus ng Northern Iloilo Polytechnic State College (NIPSC) sa bayan ng Estancia sa Nob. 23 at ng WVSU campus sa bayan ng Pototan sa Nob. 24.
Ang iba pang mga kampus ng Iloilo Science and Technology University (ISAT-U) at Iloilo State College of Fisheries (ISCOF) ay bahagi rin ng panukala para sa onsite vaccination.
Tara Yap