Umabot na sa may 33.3 milyong indibidwal o 39% ng eligible population sa bansa ang fully-vaccinated na laban sa COVID-19.

Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang naturang 39% ay base sa populasyon na pinayagang magpabakuna, na nasa 84 milyon.

Ang naturang bilang ay malayo pa aniya mula sa target ng pamahalaan na makapagbakuna ng 80% ng may 109 milyong populasyon ng bansa pagsapit ng May 9, 2022.

Nakatakda namang higit pang paigtingin ng DOH ang kanilang vaccination drive sa pamamagitan nang pagdaraos ng three-day national vaccination campaign na tinawag na “Bayanihan, Bakunahan” na itinakda mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Sinabi ni Vergeire na sa naturang kampanya ay gagawin nilang prayoridad ang mga taong hindi pa nababakunahan.

Hindi pa naman nakakapagdesisyon ang DOH kung isasama na rin dito ang pagbibigay ng booster shots.

“Kaya natin ito ginagawa para maitaas pa ho natin ang fully vaccinated sa ating bansa bago man lang mag-Pasko, bago mag-holiday season. So, that’s our real target--those who are not yet vaccinated,” dagdag pa ni Vergeire, sa panayam sa radyo.

“Ito po ang pinaguusapan sa ngayon ano, if we are going to also have booster shots during this National Vaccination Day. Magbibigay po tayo ng anunsyo kung itutuloy po natin itong booster vaccination during these three days po,” aniya pa.

Mary Ann Santiago