Umaabot pa sa 454 pang karagdagang COVID-19 variant cases ang natukoy ng Department of Health (DOH) sa bansa.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang naturang karagdagang bilang ng variant cases ay natukoy sa latest run noong Nobyembre 20 at binubuo ng 506 samples na nakolekta ng Marso, Abril, Setyembre, Oktubre at Nobyembre.
|Sa naturang bilang, pinakamarami ang mas nakakahawang Delta variant, na nasa 426.
Mayroon rin namang18 Beta variant cases, at 10 Alpha variant cases.
Sinabi ng DOH na dahil sa naturang karagdagang variant cases, 7,038 na ang kabuuang bilang ng Delta variant cases, 3,595 naman ang Beta variant cases, at 3,139 ang Alpha variant cases.
Ang Delta variant pa rin naman ang nananatiling pinaka-common lineage.
Hanggang sa kasalukuyan, umaabot na sa 20,561 samples ang naisailalim sa genome sequencing ng DOH, kabilang dito ang 1,179 na mula sa incoming international travelers.
Mula sa kabuuang samples, 18,383 ang natukoy na may lineages.Mary Ann Santiago