Itinaas ng Diocese of Kalookan sa estado na pang-diyosesasong dambana ang isang matandang simbahan sa Concepcion, Malabon.
Ipinahayag ng kura paroko at magiging unang rektor ng nasabing simbahan na si Fr. Joey Enriquez, ang magandang balitang ito hinggil sa bagong antas ng Immaculate Conception Parish sa bayan ng Malabon sa isang banal na misa na idinaos nitong Nobyembre 21.
"Dito nga sa Concepcion, tunay ngang ang Diyos ay nagpapala at tapat sa Kanyang pangako. Tunay na pinagpala ang ating sambayanan dahil sa inyong lahat na patuloy na nananalangin at taus-pusong pakikibahagi sa ating gawaing pastoral at pagkakawanggawa"
"Matapos po ang mahabang panahon at paghihintay, pagplano, at paghahanda ng mga dokumento, buong galak ko pong ibinabalita sa inyo na ang ating parokya ay inaprubahan na ng ating obispo at mga kaparian ng ating diyosesis upang maitaas bilang pangdiyosesanong dambana."
Pagkatapos ng anunsyo, ipinakita ni Fr. Enriquez sa mga dumalo sa misa ang decree na nagpapatunay ng bagong antas ng simbahan at pagsasapubliko ng bagong "escurdo de armas"o logo na gagamitin sa pagiging pangdiyosesanong dambana. Ang logo ay likha ni Doel Peter Paul Alvarez at nagpapakita ng mga elementong may kinalaman sa Mahal na Birheng Maria at bayan ng Malabon.
Ang simbahan ay magiging ganap na diocesan shrine sa darating na December 8, sa isang banal na misa na pangunguhanan ng CBCP president at Kalookan bishop Pablo Virgilio David.
Ang parokya ng Concepcion sa Malabon ay tahanan ng marikit at matandang imahe ng Mahal na Birhen na nagawaran ng parangal ni St. Pope John Paul II sa pamamagitan ng isang koronasyon noong 1986.
Ito na ang magiging pangatlong diocesan shrine sa Diocese of Kalookan kasama ang Our Lady of Grace Church sa Caloocan at San Jose Church sa Navotas. Ito rin ang unang diocesan shrine sa lungsod ng Malabon.