Bumagsak sa mga tauhan ng National Capital Region Police Office-Regional Special Operations Group-(NCRPO-RSOG) ang isang Liberian na tumatayong lider ng sindikatong Jefferson International Online Scam sa Pasay City nitong Nobyembre 20.

Kinilala ni NCRPO chief, Maj. General Vicente Danao Jr. ang dayuhan na si Jerry Jefferson, alyas James Bobby Harries, 42, at taga-Liberia at pansamantalang nanunuluyan sa SM Residences, Jupiter Street, Bel-Air, Makati City.

Sa police report, nagkasa ng entrapment operation ang mga awtoridad na ikinaaresto ni Jefferson sa panulukan ng EDSA at F.B. Harrison St. dakong 11:00 n umaga.

Ang operasyon ay nag-ugat sa reklamo ng isang Abraham Manlulu, 69, isang retired airline pilot at taga-Florida Blanca, Pampanga, na na-scam ng₱5,070,250 ng nasabing sindikato.

Metro

Mga deboto ng Jesus Nazareno, maaaring sumakay sa LRT-1 nang nakayapak

Sa reklamo ng biktima, pinangakuan umano siya ng grupo na tututok sa Humanitarian Project sa kanilang probinsya sa Pampanga, kapalit ng 290,000 Euros at US$ 300,000 kapag matapos ang lahat ng mga dokumento.

Gayunman, hindi ito natupad ng sindikato at halip ay humihingi pa umano ang lider nito (Jefferson) ng salapi para sa proyekto.

Nasamsam sa suspek ang marked money, limang bungkos ng pekeng dolyar, stainless steel luggage na naglalaman ng mga bogus na US$ bills, limang pirasong cellphone, at iba't ibang identification card.Under custody na ng pulisya si Jefferson at nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1689 (Syndicated Estafa).

Bella Gamotea