Ipinagpaliban at inilipat na rin ng lugar ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) ang Ayala Philippine National Championships mula sa dating petsa na Disyembre 9-10 at venue na Philsports track and football field sa Pasig City.
Ang pagkakaròon ng malawak na "water damage" sa Philsports ang sinabing dahilanan kaya nagpasya ang PATAFA executive committee na ilipat, hindi lamang ng petsa kundi maging ng venue ang National Open.
Sa kanilang post sa social media, ang bagong schedule para sa National Open ay sa Disyembre 16 at 17 na idaraos sa Baguio Athletic Bowl sa Baguio City.
“In view of the unexpected development with regards to the unavailability of Philsports Complex due to extensive water damage, the PATAFA Exec. Comm has decided to re-schedule the Ayala Philippine Athletics Championships from December 9 & 10 to December 16 & 17 at the Baguio City Athletic Bowl,” pahayag ng PATAFA sa kanilang official social media account.
Dahil dito, hindi na kinakailangang bumaba pa ng Metro Manila ang mga miyembro ng Philippine track and field pool na nasa Baguio City Athletic Bowl para sa kanilang bubble training.
Ang darating na Ayala Philippine National Championships ang magsisilbing qualifier para sa mga Filipino tracksters na isasabak ng bansa sa darating na 31st Southeast Asian Games sa Hanoi sa Mayo 12 -23, 2022.
Marivic Awitan