Hindi raw kinaya ni Kapamilya heartthrob Daniel Padilla ang stress na idulot sa kaniya ng desisyong pagsabak sa politika ng mga magulang.

Inamin ng 'Magandang Buhay' host na si Momshie Karla Estrada na na-stress si DJ sa pagtakbo niya bilang third nominee ng party-list na 'Tingog'.

Ang tatay naman nitong si Rommel Padilla, tumakbong kongresista sa unang distrito ng Nueva Ecija noong 2019.

"Ako talagang napaka-transparent ko sa ganyan. Na-stress 'yung anak ko. Na-stress siya, hindi niya kinaya," pag-amin ni Karla sa latest showbiz vlog ni Ogie Diaz.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Iwas na iwas raw si Daniel sa mga usaping pampolitika, kaya nagulat ito nang mismong mga magulang niya ang sumabak na rito.

Hindi lang daw masalitang tao si Daniel, ngunit nakatitiyak niyang nauunawaan nito ang dahilan nila kung bakit sila nagdesisyong kumandidato.

"Si Daniel hindi masalitang tao pero 100% sa magulang ay doon ang kanyang suporta bilang kami ay kanyang mga magulang."

"Wala siyang sinasabi ngayon, pero hindi rin siya kumokontra sa amin. Actually ako kapag nagkukuwento ay happy siya. Basta ang importante ay masaya raw ako. Ganoon din sa ama niya. Walang problema si DJ. Pero alam ko 'yung nasa loob niya parang 'hindi ko kaya itong mga magulang ko,' yung ganoon. Gusto niyang umakting nang ganoon. Pero mabait kasi si DJ. Sa huli't huli iisa lang ang nanay niya at iisa lang ang tatay niya, hindi ba? Eh saan pa ba ang suporta eh 'di sa amin."

Sey pa ni Karla, ayos lang umano na wala sa kaniyang tabi si Daniel, kung magdesisyon itong huwag siyang samahan sa pangangampanya, dahil ang mas mahalaga sa kaniya ay makuha niya ang suporta ng mga botante, at maipakita sa kanila na malinis ang intensyon niya sa kaniyang pagtakbo.

Isa pa sa mga naging isyu sa pagtakbo ni Karla ay ang sinamahan niyang party-list, na ang kasalukuyang kinatawan sa Kongreso ay si Yedda Romualdez na isa sa mga bumoto upang huwag pahintulutan ang ABS-CBN na makapag-renew ng prangkisa noong 2020.

Ang kasalukuyang home network ng mag-ina ay ABS-CBN. Iginalang naman ng management ang kaniyang kandidatura, at naglabas pa ng opisyal na pahayag ukol dito.

ABS-CBN statement on Karla Estrada – Manila Bulletin
Larawan mula sa Manila Bulletin