Nagrereklamo ang mga residente mula sa isang bayan sa Nueva Ecija dahil sa paglipana ng mga alitangya o rice black bug sa daanan, na nagdudulot ng perwisyo at aksidente sa ilang mga motorista.
Ayon sa ulat ng Brigada News FM 92.7 Pampanga nitong Nobyembre 19, hindi nila malaman kung bakit sila sinalakay ng pagkadami-daming alitangya, na pagkabaho-baho raw ng amoy.
Maging ang mga Automated Teller Machine o ATM ay pinamugaran na rin kaya hindi ito magamit nang maayos ng mga taong nagnanais na mag-withdraw ng pera.
Ilang aksidente na rin sa kalsada ang naitatala lalo na sa Cabanatuan City, dahil may mga alitangya ring nagkalat sa kalsada kaya dumudulas ang daan.
May ilang mga residente rin mula sa Pampanga na nagsabing umaabot na rin sa kanila ang mangilan-ngilang mga alitangya na pumapasok sa kanilang bahay.
Kung tititigan, kahalintulad ito ng mga bangaw na maitim ang kulay.
Sa ngayon hindi pa alam kung ano ang rason ng pagkalat ng mga alitangya. Payo naman ng ilang mga residente, makabubuting magpatay muna ng mga ilaw upang hindi magsipasok sa kabahayan ang mga naturang insekto, na lumalabas umano sa gabi at nagpupunta sa mga lugar na maliwanag.