Isang lalaki mula sa Zamboanga City ang dalawang beses na naturukan ng COVID-19 vaccines na magkaiba ang brand, nitong Huwebes, Nobyembre 18.

Ayon sa ulat ng 'Unang Balita' sa Unang Hirit ng GMA Network, nalito ang naturang lalaki sa pila para sa first dose at second dose.

Una raw siyang naturukan ng 'AstraZeneca' Pagkatapos ay iniabot niya ang vaccination card sa isang staff, dahilan para maturukan siya ulit. Sinovac naman umano ang brand ng pangalawang vaccine na naiturok sa kaniya.

Ayon sa Zamboanga City Health Office, wala naman umano siyang nararamdamang kakaiba, bagama't hindi na muna siya pinapasok sa trabaho.

National

PNP, nakasamsam ng tinatayang <b>₱20B halaga ng ilegal na droga sa buong 2024</b>

Narito naman ang ilan sa reaksyon at komento ng mga netizens.

"Sa tingin ko may pagkakamali dito ang mga staff na nagba-vaccine kung prinesent ni kuya yung vaccination card, may mga details doon na dapat chineck ng staff. Huwag sanang basta-bastahin ang pagtuturok ng bakuna, buhay ang nakasalalay dito."

"How's this possible po? Sabihin na natin na hindi po niya alam ang process, but then wala po ba yung mga stages before the actual vaccination? I mean wala po bang kahit sino na nag-assess sa card niya? Kasi may steps po dapat 'yan bago mabakunahan eh. Dapat halimbawa sa Step 1 pa lang makikita na kung para sa anong dose o saang vaccine brand siya kabilang."

"Ginusto niya 'yan, alam na man niya na naturukan na siya, bakit nagpaturok ulit. Use your brain sometimes."

"Malpractice? Sabihin na natin na mangmang at di nakakasulat o nakakabasa si Kabayan. Pero may nag-assist na medical personnel for sure nakakabasa sila at alam nila ang procedure. HINDI ba nila nabasa ang card ng pasyente? At hindi ba nila sinabihan si pasyente kung anong gagawin after?"

"Huwag po sana nating pagtawanan dahil hindi po niya alam ang proseso sa halip ay unawain na lang… Remember hindi po tayo perpekto lahat tayo'y nagkakamali."

Samantala, nagkomento rin dito ang batikan at premyadong manunulat ng mga kuwentong pambata na si Genaro Gojo Cruz.

Aniya, kailangan pa umanong palakasin ang proseso ng pagbabasa, pakikinig, at pag-unawa ng mga tao, na maaaring simulan sa mga bata. Ipaunawa rin na walang masama sa tamang pagtatanong-tanong. O kaya naman daw ay mas mainam kung kinausap na lamang ang lalaki sa wikang alam niya.

"Need palakasin pa ang edukasyon sa pagbabasa, pakikinig, pag-unawa sa proseso. At siyempre, imulat ang mga batang Filipino na kung di naiintindihan, ay huwag mahiyang magtanong. Walang masama sa pagtatanong. Ang pagtatanong ay hindi tanda ng kahinaan. Naawa ako kay Kuya. Dala na ito siguro ng kaba. Magpaliwanag sa wikang naiintindihan ng karaniwang tao, kay Kuya sana Chavacano o kung Tausug siya, sana sa wikang Tausug. Naisip ko, may mali rin dito partly ang ahensiya."

Saad pa ng ibang netizens, baka natakot magtanong ang lalaki dahil minsan daw ay may masusungit at aroganteng sumagot mula sa mga staff, batay sa kanilang karanasan.