Sa bagong video message na inilabas ni Bise Presidente Leni Robredo, nagpahayag siya ng kanyang saloobin sa nangyayaring paghahati-hati ng mga hanay lalo na sa usaping politikal.
Ayon sa kanya, naging laganap ito lalo na sa social media na kung saan marami ang magkakaibigan at magkakamag-anak na nag-away dahil sa posisyon sa politika.
Aniya, "Ang analysis ng mga eksperto, may mga puwersang sadya tayong pinag-aaway. Dahil kapag watak-watak ang Pilipino, mas madaling maisusulong ang personal na agenda."
Anumang dahilan, ani Robredo, nagkasakitan ang taumbayan.
Hinimok naman nito na magsimulang makipag-ayos sa mga nakaalitan.
"Kung may makita sa social media na hindi naaayon sa pinaniniwalaan natin, magpaliwanag nang mahinahon at may respeto. Magpakumbaba. Mangamusta, makipag-usap. Hilumin ang mga sugat. Buksan muli ang landas ng pagmamahal," ani Robredo.
Dagdag pa ni Robredo, hindi kalaban ang kapwa.
Payo niya, piliin ang tama dahil ito ang ibig sabihin na radikal na pagmamahal.