Nagpahayag ng saloobin ang batikang nobelista at kritiko ng administrasyong Duterte na si Lualhati Bautista kaugnay ng mga naganp na candidate substitution para sa Halalan 2022 kamakailan.
“Sana'y malinawan na ng lahat ng die-hard fans, ng mga panatiko, na 'yung mga nagpapalit-palit ng kandidatura, yung mga hindi malaman kung saan ilalagay ang sarili para makapanatili sa puwesto, ay may isa lang layunin sa pagtakbo: ang makapanatili sa puwesto at kapangyarihan,” ani Bautista sa isang Facebook post nitong Martes, Nob. 16.
Dito iginiit ng batikang manunulat na hindi layuning “makapaglingkod sa bayan” ang ipinapakita ng pabago-bagong pagpapasya sa kandidatura ngayong panahon ng pagpili.
Matatandaan na ilang kilalang pangalan sa larangan ng politika sa bansa ang naghain ng kandidatura via substitution mula nitong Sabado, Nob. 13 hanggang nitong Lunes, Nob. 15.
Kabilang sa mga pormal na naghain ng kandidatura sa pamamagitan ng paghalili ay mag-amang Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at Pangulong Duterte, Sen. Christopher “Bong” Go, Presidential Spokesman Harry Roque, bukod sa iba pa.
Pagpapaalala ni Bautista sa publiko, “Isinasangkalan lang ang bayan para sa sariling kapakanan.”
“Sana'y makita na ng lahat na sa bawat eleksiyon, bayan at kinabukasan nating lahat ang nakataya,” dagdag niya.
Ang award-winning Filipino novelist ay kilala sa mga akdang Gapo (1980) at Bata, Bata, Paano ka Ginawa (1984) na nagkamit ng kabi-kabilang parangal kabilang na ang prestihiyusongDon Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.