Lumipad na nitong Lunes, Nob. 15 patungong bansang Thailand ang pambato ng Pilipinas sa Miss Grand International 2021 na si Samantha Panlilio.

Sa inilabas na Facebook post ng Binibining Pilipinas nitong Lunes ng gabi, makikita ang larawan ni Samantha at mga bagahe nitong may label na “Philippines.”

Proud din na iwinagayway ni Samantha ang watawat ng bansa sa departure area ng airport.

Nagpasalamat ang kandidata sa Binibining Pilipinas Charity Incorporated (BPCI) na pinangungunahan ni María Stella Márquez-Araneta, sa training camp niyang “Kagandang Flores” at sa Miss Grand International Organization sa oportunidad

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Samantala, pangatlo naman sa pinakadinumog ng reaction at share para sa Top 5 Before Arrival portion ng kumpetisyon si Samantha na mayroong 131,000 reactions at 1.2M shares. Kasalukuyang nangunguna ang delegada ng Cambodia na may 190,000 reactions at 2.6M shares.

Sa Disyembre 4 nakatakdang ganapin ang pageant coronation sa bansang Thailand.

Matatandaang si Samantha Bernardo ang huling kumatawan sa bansa sa naturang pageant noong Marso ngayong taon.

Natapos ni Samantha ang kompetisyon bilang first runner-up matapos koronahan si Miss USA Abena Akuaba Appiah bilang Miss Grand International 2020.

Isa na namang Samantha ang sasabak para sungkitin ang mailap na golden crown para sa Pilipinas.

Si Samantha ang ikatlong BBP queen na makikipagtagisan ng ganda at talino sa isang international pageant kasunod nina Miss Intercontinental 2021 Cinderella Faye Obenita sa Egypt at Miss Globe 2021 Maureen Ann Montagne sa Albania.