Ipinahiwatig ni Acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles nitong Martes, Nob. 16 na maaaring ilabas ni Pangulong Duterte ang kanyang assets, liabilities, and net worth (SALN) kung manalo siya bilang senador sa Halalan 2022.
Sa kanyang unang virtual presser bilang tagapagsalita ng Palasyo, nagpahiwatig si Nograles sa pagsasapubliko ni Duterte ng kanyang SALN kung kailangan ito sa Senado.
Sinabi ng opisyal ng Palasyo na bagama’t hindi siya pamilyar sa mga patakaran ng Senado, nakatitiyak siyang isasapubliko ni Duterte ang kanyang SALN sakaling matagumpay itong makauupo sa Senado sa susunod na taon.
“I am sure the President will follow whatever protocols or practices there are in the Senate,” ani Nograles, isang Cabinet secretary ng Pangulo.
“When he wins as senator of our republic, then he will follow kung ano iyong mga (whatever the) policies, procedures, and protocols of the Senate,”dagdag niya.
Matagal nang isyu ang SALN ng Pangulo dahil hindi niya pa ito isinapubliko mula taong 2017 at lalo na sa gita ng mga alegasyon na maaaring siya ang benepisyaryo ng mga maaanomalyang kontrata ng gobyerno na naiuwi ng Pharmally Pharmaceuticals Inc. na nagsuplay ng mga substandard na medical equipment.
Naglabas si Ombudsman Samuel Martires ng Memorandum Circular No.1 Series of 2020 kung saan inilagay sa kanyang kapangyarihan ang pag-akses ng SALN ng Pangulo.
Pinaghigpitan ng naturang memorandum ang pampublikong pag-akses sa SALN maliban sa mga opsiyal o awtorisadong kinatawan, para sa isang court order kaugnay sa isang nakabinbing kaso at para sa Office of the Ombudsman’s Field Investigation Office para sa kanilang fact-finding investigation.
Sinabi ni Marties na handa siyang matanggal sa puwesto sa halip na pagbigyan ang kahilingan ng publiko na ibigay ang SALN ng Pangulo at iba pang pampublikong opisyal.
Raymund Antonio