Iniulat ng independiyenteng grupo ng mga eksperto na OCTA Research Group na nakapagtala na ang National Capital Region (NCR) ng positive one-week growth rate na 8% ngunit tiniyak na ito’y hindi indikasyon nanagkakaroonna ng upward trend ng COVID-19 cases sa rehiyon.
Sa pinakahuling ulat ng OCTA, na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, sinabi nito na ang NCR ay nakapagtala ng positive growth rate na 8% mula Nobyembre 8 hanggang 14 matapos ang sunud-sunod na negative growth rates simula noong Setyembre 18.
Iniulat rin ni David na ang reproduction number sa NCR ay nasa 0.52 na ngayon mula sa dating 0.37 lamang at ang 7-day average ay tumaas sa 435 mula sa dating 404.
Gayunman, sinabi ni David na base sa kanilang analysis, ang nakikitang pagtaas ng mga kaso ng sakit sa rehiyon ay hindi indikasyon ng upward trend, at sa halip ay dahil lamang sa mga backlogs.
Sa kabila nito, pinayuhan rin naman ni David ang mga mamamayan na huwag pa ring maging kampante.
Aniya, dapat pa ring patuloy na maging maingat upang makaiwas na mahawahan ng virus.
“11.15.21 The NCR registered a weekly positive growth rate of 8% on November 8 to 14.The growth rate had been consistently negative since September 18 when the downward trend was confirmed.The 7-day average in new cases increased from 404 to 435.The reproduction number increased to 0.52 (from 0.37),” tweet pa ni David.
“There is no indication yet of an upward trend in cases. At this time, we assume we are seeing readjustment of numbers due to backlog,” dagdag pa ni David.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa kabila ng positive weekly growth rate, nananatili namang low risk ang total bed utilization rate at ICU utilization rate ng NCR.
Nabatid na ang total bed utilization rate ng rehiyon ay nasa 26.55%, ang mechanical ventilator utilization rate naman ay nasa 21.09%, at ang ICU utilization rate ay nasa 30.72%.
“For now, there is nothing to worry [about] yet based on the case metrics na meron tayo,” pahayag pa niya sa isang media briefing.
“‘Yung numero na kaso na nirereport, ‘yung trends natin, ‘yung epidemic curve, ‘yung reproduction number, positivity rate, wala pa tayong ganoong dapat ikabahala,” dagdag pa niya.
Nagbabala rin naman si Vergeire na ang mga kaso ng impeksiyon ay maaaring lalo pang tumaas kung patuloy na mababawasan ang pagtalima ng mga mamamayan sa ipinaiiral na public health protocols.
“With the continuous increase in mobility or the decrease in the compliance to safety protocols at saka ‘yung nakikita nating crowding, nandyan ‘yung malaking probilidad na baka tumaas ulit ang ating mga kaso, kaya kailangan tulung-tulong tayo,” aniya pa.
Mary Ann Santiago