Binigyang-diin ng isang opisyal ng Department of Information and Communications Technology (DICT) nitong Lunes, Nob. 15 na walang bayad ang mga vaccine certificates.
Sa isang press briefing, nagbabala si DICT Undersecretary Emmanuel Rey. R Caintic laban sa mga fixer na humihingi ng mga singil para sa vaccine certificates at nanawagan sa publiko na iulat ang mga ganitong gawain.
“Libre po ang vaccine certificates. Wala tayong hinihinging kabayaran para dito. Libre ang bakuna, dapat lang libre ang vaccine certificates,” sabi ni Caintic.
Idinagdag niya na wala pang direktiba mula sa Inter-Agency Task Force (IATF)na nangangailangan ng vaccine certificates para sa enrollment.
Hinimok din ng opisyal ng DICT ang mga lokal na pamahalaan na magtalaga ng mas maraming data encoders para mag-upload ng mga talaan ng pagbabakuna ng kanilang mga residente.
“Mayors, allocate more encoders and prioritize the backlogs. Because if the backlog is large, for example, 30 percent of your data has not been yet encoded, there’s also a 30 percent chance that your constituents will not get their data,”sabi ni Caintic.
Dagdag niya, hinihikayat nila ang mga volunteers na tulungan ang LGU sa pag-encode ng data.
“Sa susunod na mga araw, magpo-post kami ng sign up sheet for data encoders para pwede nating italaga sa mga LGU, lalong-lalo na sa mahalagang activity sa Nov. 29 to Dec. 1 na tinatawag nating three-day vaccination day,” ani Caintic.
Halos 50,000 data encoders ang kinakailangan para sa three-day national vaccination event.
Gabriela Baron