Umaabot na lamang sa mahigit 27,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito ay matapos na makapagtala na lamang ang Department of Health (DOH) ng 1,547 bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) nitong Lunes, Nobyembre 15.
Ayon sa DOH, mas mababa ito kumpara sa 1,926 na naitala nitong Linggo, Nobyembre 14.
Sa kabuuan, nasa 2,818,511 na ang COVID-19 cases sa bansa, ayon sa ahensya.
Sa naturang kabuuang bilang, 1.0% na lamang o 27,025 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.
Sa mga active cases naman, 61.0% ang nakakaranas ng mild symptoms, 17.59% ang moderate cases, 10.8% ang severe cases, 5.9% ang asymptomatic o walang nararamdamang sintomas, at 4.6% ang kritikal.
Mayroon ding 2,601 mga pasyente ang gumaling na sa karamdaman, kaya’t sa kabuuan, nasa 2,745,777 na ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.4% ng total cases.
Naitala rin ang 128 pasyenteng namatay sa COVID-19.
Sa kabuuan, nasa 45,709 na ang COVID-19 deaths sa Pilipinas.
Mary Ann Santiago