Hindi man pinalad manalo sa isang poster-making contest si John Kenneth M. Tutuna, 17 anyos, mula sa North Fairview, Quezon City, pinili niya paring ibida sa social media ang kaniyang artwork entry, na sa kaniyang palagay ay napapanahon lalo na't malapit na ang halalan 2022.

Makikita sa kaniyang Facebook post noong Nobyembre 13 ang ilan sa mga kuhang litrato ng kaniyang artwork entry, na isang poster na tumutugma sa temang 'Kapag Binenta mo Boto mo, Binenta mo Kinabukasan mo' na ibinigay mismo sa timpalak na kaniyang nilahukan. Ito ang unang pagkakataong lumahok siya sa isang poster-making competition.

"It was my first time joining a poster making competition. Didn’t actually know what to do and how to start. Out of 1000+ contestants only 50 finalists were chosen and unfortunately I didn't make the cut. Still I want to showcase my work here. The theme of the Poster making contest is 'Kapag Binenta mo Boto mo, Binenta mo Kinabukasan mo'," ayon sa caption.

"Let us all be responsible voters. Vote wisely in the upcoming 2022 election. Always remember that your vote is your voice."

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Ayon sa panayam ng Balita Online kay John Kenneth, nakita lamang niya online ang naturang timpalak at hinamon niya ang sariling sumali rito.

"Nakita ko ang isang post sa aking newsfeed tungkol sa paligsahan sa paggawa ng paskin na may temang 'Kapag Binenta mo Boto mo, Binenta mo Kinabukasan mo' at naisipan ko na sumali sa paligsahan na ito. Ang tema nito ay napapanahon at gusto ko rin i-challenge ang sarili ko na sumali dahil hindi pa ako nakakasali sa ganitong paligsahan," aniya.

Gumamit siya ng oil paint at ¼ illustration board upang mabuo ang kaniyang entry. Halos isang linggo ang iginugol niya upang matapos ang kaniyang likhang-sining, na labis niyang ipinagmamalaki, kahit na hindi ito nakapasok sa finals.

Karapat-dapat din umanong i-post ito dahil nalalapit na nga ang halalan at ito raw ang magsisilbing paraan niya upang ipahatid ang kaniyang mensahe na huwag ibenta ang boto para sa kinabukasan.

"Sa pamamagitan ng aking obra o artwork, gusto kong iparating sa lahat na sa panahon ng nalalapit na ang eleksyon, nararapat lang na kilalanin at kilatisin natin nang mabuti ang mga kandidatong ating iboboto. Gusto ko rin ipaalam sa lahat na ang vote buying ay nangyayari pa rin hanggang ngayon at hindi ito tama at hindi dapat kinukunsinti. Ang bawat boto ay mahalaga, dito nakasalalay ang magiging kinabukasan ng ating bansa."

Likas na kay John Kenneth ang husay sa pagpipinta. Ano-ano nga ba ang mga kadalasang subject ng mga artworks niya?

"Kadalasan po ay mga tao ang subject sa aking mga artworks. Kumbaga, portraits ang aking kalakasan, kaya rin sinubukan kong sumali sa paligsahan ng paggawa ng paskin para mahasa ang aking kakayanan sa pagguhit."

May mensahe naman siya sa mga kapwa young artist na minsan ay pinanghihinaan ng loob kapag natatalo o hindi nagwawagi sa mga paligsahang kanilang nilalahukan, kaugnay ng pagguhit o pagpinta.

"Ang aking mensahe sa mga kapwa kong young artist ay huwag panghinaan ng loob. Darating ang mga oras na ikukumpara natin ang ating sarili sa iba at tila mawawalan na lang tayo ng pag-asa. Ngunit imbes na hayaan natin 'yun mangyari ay gawin natin itong motibasyon para mag-improve at mas gumaling."

Dagdag pa niya, "Aaminin ko na 'di ako ganoon kagaling sa pagguhit ngunit nag-practice ako at naniwala ako sa aking sarili, sa aking kakayanan. Kasi naniniwala ako na kung may isang taong higit na nakakaalam sa ating kakayahan, at bilib dito, iyon ay ang ating sarili."

Si John Kenneth ay Grade 12 na nasa STEM strand ng Senior High School Department ng School of Saint Anthony, isang prestihiyosong pribadong paaralan, sa Fairview, Quezon City.