Tutol si Pangulong Duterte sa pagtakbo ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara “Inday” Duterte-Carpio sa pagka-bise presidente at naniniwala siyang pakana ito ng presidential aspirant na si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Hindi diretsang kinumpirma ni Pangulong Duterte ang sinabi ni PCOO Secretary Martin Andanar kaugnay ng kanyang paghahain ng certificate of candidacy (COC) sa Lunes, Nob. 15.
“In a matter of hours, you would know. I will make an announcement. Baka,” sabi ni Duterte sa isang panayam nang hingan ng kumpirmasyon sa maaari niyang susunod na political plan.
Nagbigay naman ng reaksyon ang Pangulo sa naging desisyon ng kanyang anak na maging ka-tandem ni Bongbong sa Halalan 2022.
“Para malaman ng tao na hindi ko nagustuhan yung nangyari,” diretsang sabi ng Pangulo kaugnay ng kanyang gagawing anunsyo.
“Hindi ko naman siya [Sara] sinisisi kasi hindi naman kami nag-uusap. Yung desisyon nila ang ayaw ko na tatakbo siya,” pagbibigay-diin niya.
Naniniwala ang Pangulo na kampo ni Bongbong ang nasa likod ng naging pasya ni Sara.
“I’m sure yung pagtakbbo ni Sara, desisyon nila Bongbong ‘yun,” ani Duterte.
“Nagtataka ako, siya ang number one sa survey bakit siya tatakbo lang na bise? Siya yung mataas ang rating,” dagdag niya.
Tinutukoy ng Pangulo ang pangunguna ng kanyang anak na si Sara sa presidential survey.
Samantala, tila may atraso ang kampo nina Bongbong-Sara kay Sen. Bong Go sa sunod na naging pahayag ng Pangulo.
“Ito naman kay Bong, sa ginawa nila. Sabi ko wag kang umiyak, nandyan yan ang Presidente. Targetin mo yan at magkampanya, sabihin natin sa mga tao ang totoo. Ako na ang magsabi,” makahulugang sabi ni Duterte.
Si Go ang tanging inendorsong presidential candidate ng Pangulo.