ILIGAN CITY – Patay ang limang bata habang nakaligtas ang kanilang mga magulang matapos matabunan ang kanilang bahay ng gumuhong lupa nitong Linggo ng umaga, Nob. 14 sa Purok 2, Sitio Sawsaw, Barangay Mandulog.

Sinabi ni Mandulog Barangay Captain Abungal Cauntungan sa isang panayam sa isang lokal na istayon ng radio na walong pamilya ang apektado ng insidente kabilang sina Jessie at Shiela Mae Barulan.

Sa kasamaang palad, nasawi ang limang anak ng mag-asawang Barulan. Kinilala sila na sina Shemabel, tatlong taong gulang na si Trishamae, anim na taong gulang na si Kent Warren, apat na taong gulang na si Xian at walong taong gulang na si CJ.

Idineklarang dead on arrival ang limang bata sa dalawang ospital, ang Adventist Medical Center at Gregorio T. Lluch Memorial Hospital (GTLMH), kung saan magkahiwalay silang isinugod.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ayon kay Cauntungan, walong bahay ang nasira ng pagguho ng lupa. Pinaniniwalaang ang ilang araw na pag-ulan sa maburol na lugar ang dahilan para tuluyang gumuho ang lupa at kalauna’y matabunan ang mga kabahayan.

Bonita Ermac