Nangako si presidential aspirant Senator Manny Pacquiao na mananatili siyang kandidato sa pagka-pangulo, at pinabulaanan ang mga balitang may 'pasabog' siya sa Nobyembre 15, na huling araw para sa substitution of candidates.

Ayon sa panayam sa kaniya ng media, hindi umano magbabago ang isipan niya tungkol sa hangarin niyang kumandidato at maiboto ng taumbayan sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.

"Tingnan mo, yung mga ganyang politiko, ang taumbayan na ang mag-evaluate, mag-asses kung anong klaseng tao, anong klase kang politiko. Gusto natin, totoo. Ako, hindi ko kayang gawin 'yun, hindi ko kayang gawin sa kapwa ko," reaksyon ni Pacquiao sa mga nagaganap na substitution sa huling mga araw bago ang Nobyembre 15.

Sinabi ni Pacquiao na hindi umano siya 'trapo' (traditional politician) mag-isip, at hindi siya isang trapong politiko.

"Totoo ako. Pag sinabi ko, sinabi ko. Sinabi kong hindi ako tatakbong vice president, hindi ako tatakbong vice president. Pag sinabi kong tatakbo ako, tatakbo ako. Nakapagdesisyon na ako eh. Meron ba kay Manny Pacquiao na umatras?"

"Yung sinasabi ko hindi lang tayo puwedeng mangako nang mangako nang mangako, tapos pagdating ng panahon, wala naman. Kasi mahirap kasi yung... alam ninyo kung ako ang tatanungin, sabihin ko, yung mga tao isipin nila, kasi sa umpisa pa lang marami nang nagsisinungaling eh. Yung walang takot magsinungaling, eh delikado 'yun."

Pero aniya, malaya naman daw ang sinuman na tumakbo, nasasaad naman ito sa batas at sa panuntunan ng Commission on Elections o Comelec, taumbayan na lamang ang hahatol at huhusga sa pamamagitan ng kanilang pagboto.

Nitong Nobyembre 13 ay maraming naganap na 'plot twist' sa kandidatura ng pagka-pangalawang pangulo at pagka-pangulo. Tumakbo na si Davao City mayor Sara Duterte bilang pangalawang pangulo sa ilalim ng Lakas CMD, at inadopt naman siya ni presidential aspirant Bongbong Marcos bilang running mate, na chairman naman ng Partido Federal ng Pilipinas o PFP.

Bandang hapon, binawi na ni Senador Ronald 'Bato' Dela Rosa ang kaniyang kandidatura sa pagka-pangulo, at pinalitan siya ni Senador Bong Go. Napababalitang ang magiging running mate niya sa pagka-pangalawang pangulo ay mismong si Pangulong Rodrigo Duterte, na maghahain umano ng kandidatura sa Nobyembre 15.