Tatalakayin ng mga alkalde ng Metro Manila kung isasailalim sa travel restrictions ang hindi pa nababakunahang mga bata laban sa coronavirus disease (COVID-19), ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año nitong Linggo, Nob. 14.
Ito ay kasunod ng kumpirmasyon ni Año na ipinahayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos Jr na tatalakayin ng mga mayor sa Metro Manila ang usapin matapos magpositibo sa COVID-19 antigen test ang isang 2-anyos na batang galing sa isang mall.
“Kahapon (Nov. 13), nagkausap kami ni chairman Benhur (Abalos) at napagusapan namin ito (the incident) at sa pulong na ginagawa ng mayors isa sa kanilang tatalakayin para makita na kailangan bang magkaroon ng restrictions sa younger kids,’’ sabi ni Año sa isang panayam sa GMA News.
Sinabi ni Año na iniimbestigahan din nila ang mga ulat kung false positive lang ang naging test sa bata.
“Too early to make conclusions pero maganda na pinag-aaralan natin,” pagpupunto ng opisyal.
“That’s very unfortunate. That’s why we are still reminding everyone to follow the public health protocols and for the parents to discern in bringing their kids to the mall to be careful and only if it’s necessary,” ani Año sa insidente.
Binanggit ng opisyal na hindi pa tapos ang pandemya kahit na pababa na ang kaso ng COVID-19 habang idinagdag niyang “it’s within the authority of LGUs (local government units) to put restrictions as the situation may call for.”
Ang ulat ay nagmula sa isang doktor na nagbahagi sa isang post sa social media noong Nob. 10 na isang dalawang taong-gulang na bata ang nagpositibo sa COVID-19 matapos bumisita sa isang mall noong Nob. 9.
Ang intrazonal at interzonal movement at papayagan oara sa mga menor de edad matapos isailalim sa alert level 2 ang quarantine classification ng National Capital Region (NCR).
Chito Chavez