Nagbigay ng komento ang presidential aspirant na si Ka Leody De Guzman ng Partido Lakas ng Masa hinggil sa naganap na mala-telenobela umanong substitution of candidates para sa dalawang pinakamataas na posisyon sa bansa nitong Sabado, Nobyembre 13.
Ayon sa kaniyang Facebook post sa araw na iyon, malinaw umano na pansariling interes lamang umano ang ipinakikita ng kaniyang mga kalaban, na tinawag niyang mga 'elitistang trapo'.
"Ukol sa mga eksenang pang-telenobela na naganap ngayong araw."
"Naloko na! Umiigting ang tunggalian ng mga elitistang trapo para sa kapangyarihan. Maglaban-laban man o magsanib, tanging sariling interes ang inaalala ng mga 'yan, hindi ang kapakanan ng masa, habang inaaliw lang tayo sa kanilang telenobela."
"Nagtitiwala ako na ang sagot ng masa sa kalokohang ito ay 'NEVER AGAIN TO MARCOS AND DUTERTE'. Tuloy ang laban para sa demokrasya at gobyerno ng masa. Biguin ang mga angkan ng mandarambong at mamamatay-tao. Tuloy ang laban!" matapang na pahayag ni Ka Leody.
Nitong Nobyembre 14 ay nagtungo si Ka Leody sa Guguinto, Bulacan upang talakayin ang ukol sa rice tarrification law, modernisasyon ng agrikultura, pagbangon ng ekonomiya, at kabuhayan ng mga magsasaka.
"Kasalukuyang nasa Guiguinto, Bulacan para ipaliwanag bakit mahalagang lansagin sa rice tariffication law, at ang modernisasyon ng ating agrikultura, esensyal sila sa pagbangon ng ating ekonomiya at pag-angat ng kabuhayan ng ating magsasaka," ayon sa kaniyang Facebook post nitong Nobyembre 14.
Si Leodigario "Ka Leody" Quitain De Guzman ay isang labor rights activist. Siya ang dating presidente at ngayon ay chairman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, isang socialist federation ng militant trade unions.
Tumakbo siyang senador noong 2019 senatorial elections subalit bigo siyang makakuha ng puwesto.
At ngayong 2021 nga ay tumatakbo siya bilang pangulo. Running mate niya si Walden Bello.