Matapos maghain ng kandidatura sa pagka-pangulo si Sen. Christopher “Bong” Go nitong Sabado, lumitaw ang mga naratibong kinokontrol umano si Pangulong Duterte at lingid sa kaalaman nitong tumakbo pagka-bise presidente ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Sa panayam ng Pangulo sa masugid na supporter nitong si “Banat By" nitong Sabado, Nob. 13, pinabulaanan ng Pangulo ang mga istoryang ito.
“Wala akong mga tao sa paligid ko. Ang totoo niyan, walang tao na nakapapasok dito [Palasyo]. Basta politika ayaw ko pag-usapan,” sabi ni Duterte
Binigyang-diin ng Pangulo na walang sinuman ang komokontrol sa kanya taliwas sa mga kumalat na mga istorya kasunod ng pagtakbo ni Go bilang pangulo sa Halalan 2022.
“Napakakawawa ko naman kung didiktahan lang ako ng isang kasama ko dito sa trabaho. Ako ang magdikta sa kanya [Go]. Hindi ako nagpapadikta. Ako siguro ang magsasabi sa kanya ano ang gagawin mo. What’s next ika nga. Nagbibigay ako ng guidance sa kanya,” ani Duterte.
Sa katunayan, ang Pangulo pa ang naghikayat ka Go na tumakbo sa pinakamataas na posisyon, sabi niya.
“Sabi niya [Go] tatakbo si Inday, mag-wi-withdraw na lang siya. Ayaw na niya. Sabi ko, bakit ganun nag-umpisa ka na. Tumakbo ka na lang na Presidente," paglalahad ni Duterte.
Tila may namumuong hindi pagkakasundo naman sa pagitan ng kampo ng Pangulo at ni Go sa kampo ng tandem nina dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos at Davao City Mayor Sara “Inday” Duterte-Carpio.
“Ganun lang pala ang gagawin sayo. Kasahan na,” sabi ng Pangulo kay Go na tila may kasunduang hindi napagkaisahan ang dalawang kampo.
Pagbabahagi ni Duterte, umiyak si Go kasunod ng paghahain ng kanyang anak na si Sara sa pagka-bise presidente.
“Umiiyak si Bong. Sabi ko ‘wag ka umiyak, bukas ang presidente. Tumakbo ka. Bakit ka iiyak diyan sa dahil lang anak ko sumingit bigla. Wala kaming nilaro. Wala kaming sinabi. Basta gusto lang nila,” ani Duterte.
“Basta gusto lang nila. Sabi nila ginagamit ako. That is their opinion, I respect it," sabi ng Pangulo.
Dagdag ng Pangulo, naghihintay lang ng siya ng tamang panahon upang ihayag kung bakit hindi niya susuportahan si Marcos, bukod sa iba pang presidential candidates.
“I’m just asking for a few more hours at masasabi ko na ang talagang totoo sa kampanya sasabihin ko kung bakit hindi ako pwedeng magsuporta kay Marcos, ganun din kay Pacquiao at iba,” makahulugang sabi ng Pangulo.
Para kay Duterte, tapat si Go kaya’t tiwala siyang magagampanan nito ang iiwan niyang trabaho sa Palasyo.
“Wala itong ginawang hambog na kuwento na kaya niya. Pero alam ko sa taong nag-serbisyo sa akin. Isang ano…alam ko na talagang honest. Yung paratrat ni Drilon at pati ni…puro kalokohan,” sabi ni Duterte na tinutukoy ang imbestigasyon ng Senado ukol sa umano’y ugnayan niya at ni Go sa kontrobersyal na Pharmally Pharmaceutical na nakapag-uwi ng bilyong-halagang kontrata para sa pandemic response ng gobyerno.
Samantala, hindi diretsang kinumpirma ng Pangulo ang nabanggit ni PCOO Secretary Martin Andanar na paghahain niya ng certificate of candidacy (COC) sa pagka-bise presidente sa Lunes, Nob. 15.
Giniit ng Pangulo na si Go ang kanyang susuportahang kandidato sa presidential race "as a matter of principle."