Inanunsyo ng Metro Rail Transit 3 (MRT-3) na maaari nang sumakay ang mga may edad 18 taong gulang pababa basta may kasamang matanda o guardian sa tren.
"Pinapayagan nang sumakay ng pamunuan ng MRT-3 ang mga batang may edad 18 pababa na may kasamang matanda o guardian sa mga tren nito, sa patuloy na pagpapatupad ng Alert Level 2 sa Metro Manila," pahayag ng MRT-3 management sa kanilang Facebook post.
"Maaaring makasakay ang mga bata hangga't kasama ang kanilang guardian sa priority section ng tren ng MRT-3," dagdag pa nito.
Samantala, hanggang 70% pa rin ang kapasidad ng tren sa pagsakay ng pasahero.
Kaugnay rito, maigting pa rin na ipinatutupad ang minimum public health and safety protocol.
Mayroon namang partikular na paalala ang management ng MRT-3 sa publiko — ang seven (7) Commandments:
1) Laging magsuot ng face mask at face shield
2) Bawal magsalita at makipag-usap sa telepono
3) Bawal kumain
4) Laging panatilihin ang maayos at sapat na ventilation sa mga pampublikong transportasyon
5) Laging magsagawa ng disinfection
6) Bawal sumakay ang mga pasaherong mayroong sintomas ng COVID-19; at
7) Laging sundin ang panuntunan sa appropriate physical distancing.
Ito ay batay sa rekomendasyon ng mga eksperto sa kalusugan.
Matatandaan na noong Nobyembre 4, iniakyat ang kapasidad ng mga tren hanggang 70%. Katumbas ito sa may 276 na pasahero kada bagon o 827 pasahero kada train set. Ang isang train set ay binubuo ng tatlong bagon.
"Ito ay bilang tugon sa pagtaas ng demand sa pampublikong transportasyon sa Metro Manila, na sa kasalukuyan ay nakamit na ang 81.4% vaccination rate," pahayag nito.