Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga magulang na mahigpit na subaybayan ang kanilang mga anak, partikular sa mga lugar na pinaluwag ang paghihigpit upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Dagdag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mahalagang na iwasan ang mga mataong lugar.
“Nagpapaalala lang po tayo sa ating mga magulang na atin pong bigyan ng extra care ang ating mga bata lalong-lalo na sa maraming tao,” ani Vergeire nitong Sabado, Nob. 13.
“Pag nakita natin na parang crowded na yung lugar, huwag na po natin isama yung ating mga kabataan,” dagdag ng opisyal.
Muling pinaalalahanan ni Vergeire ang publiko sa obligasyon nitong sumunod sa health standards.
“Kailangan maintindihan na binubuksan natin ang specific sectors pero meron din pong obligasyon ang ating mga kababayan na mag follow sa safety protocols,” sabi niya.
“Kapag tayo ay lalabas at ito ay importante, tingnan natin kung kailangan natin isama ang ating mga kabataan sa pagpunta diyan,” dagdag niya.
Ito ang pahayag ni Vergeire matapos mapaulat ang isang dalawang taong gulang na bata na nagpositibo sa COVID-19. Base sa Facebook post ng isang doktor, nagpunta ang bata at kanyang mga magulang sa isang mall noon.
“We already instructed our regional office to look into this matter. Pero kailangan maintindihan din po ng ating mga kababayan, unang-una, marami pa pong pwedeng maging factor at mga reasons kung bakit nagkaroon ng sakit ang bata. Hindi lang po yung pagpunta sa mall,” sabi ni Vergeire.
Hindi naman ito makaaapekto sa implementasyon ng mga alert levels, sabi ng Health official.
“It is an isolated case. Pangalawa, hindi natin matutukoy with certainty na ayun ang naging cause nang pagkakasakit ng bata,” sabi ni Vergeire.
Analou de Vera