Nagdesisyon na ang pandemic task force ng gobyerno sa face shield policy at si Pangulong Duterte ang huling magpapasya ukol dito.

Ito ang pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos manawagan ang Metro Manila mayors sa Inter-agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na tuluyang alisin ang face shield sa patuloy na pagbaba ng arawang kaso ng coronavirus disease habang tumaas naman ang vaccination rate sa bansa.

Sa isang video message, sinabi ni Roque na si Pangulong Duterte ang pinal na magpapasya kaugnay nito.

“Eh, paano po yung face shields? Meron na pong desisyon,” sabi ni Roque.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Ito ay for approval and possibly for announcement by the President himself,”dagdag niya.

Noong Hunyo, sinabi ni Pangulong Duterte na nais niya magsuot lang ng face shield ang mga tao sa mga ospital. Gayunpaman, tinutulan ng IATF ang pagluluwag sa restriction at umapela na panatilihin ang panuntunan.

Matapos iulat ng Department of Health (DOH) na may kabuuang 17 indibidwal ang nagkasakit ng Delta variant noong Hunyo 12, nagpasya si Duterte na panatilihing mandatory ang pagsusuot ng face shield sa loob at labas ng mga establisyimento.

Nitong Setyembre, inalis ni Duterte ang mandatory requirement sa paggamit ng face shield sa labas, maliban sa mga sarado at mataong lugar.

Ang mga mayor ng Metro Manila ay muling nanawagan sa IATF ngayong linggo. Naging kauna-unahang alkalde sa rehiyon si Manila Mayor Isko Moreno na naglabas ng utos na naglilimita sa paggamit ng face shileds sa mga medical facility lamang.

Habang naghihintay ng anunsyo, umapela si Roque sa mga local chief executive na patuloy na ipatupad ang face shield policy sa mga lungsod habang pinuntong ang patakaran ay niratipikahan ng Pangulo at dapat ipatupad.

“‘Wag po kayo mag-alala, pinag-aaralan naman po ‘yan at baka naman po ma-lift na ‘yan,” sabi ni Roque.

“Konting pasensya lang po pero kailangan sundin naman po natin ang chain of command sa Executive Branch of government,” dagdag niya.

Argyll Cyrus Geducos