KALINGA - Hindi na nakapalag ang mag-asawang kasapi ng New People’s Army na wanted sa kasong murder at frustrated murder nang dakpin sa kanilang pinagtataguan sa Barangay Clanan, Tabuk City nitong Huwebes.
Sinabi ni Kalinga Provincial Police Director Davy Limmong, ang mag-asawang sina "Ka Denver" at "Ka Rica" ay nasa listahan ng Periodic Status Report Terrorist Group (PSRTG) ng Mountain Province Provincial Police Office (MPPPO) at Ilocos Sur Provincial Police Office (ISPPO) at kapwa ring miyembro ng Komiteng Larangang Guerilla (KLG) AMPIS na kabilang sa Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC).
Ang mag-asawa ay sangkot umano sa pag-atake sa kampo ng mga sundalo sa Quirino, Ilocos Sur, nitong nakalipas na Enero 22 na ikinamatay ni Private Shyme Reyes at ikinasugat ni Pvt. Raphael Maskote.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrantof arrest na ipinalabas ni Judge Emmylou Valois Rubang Mangasar ng Branch 25, Regional Trial Court, First Judicial Region, Tagudin, Ilocos Sur, sa kasong murder with no bail at frustrated murder na may katumbas na piyansang₱200,000.00 bawat isa.
Zaldy Comanda