Kumakalat ngayon sa Tiktok ang bahagi ng isang panayam sa young actress na si Andrea Brillantes kung saan ibinahagi niyang ipinanganak siyang may bihirang kondisyon.
Ang bahagi ng panayam ay mula sa exclusive interview ng Youtube showbiz hub na Pikapika Showbiz kay Andrea noong nakaraang taon. Nang matanong kung anong amoy ng kandila ang hihilingin niya sakaling mayroon siyang “never-ending” candle, dito ibinunyag ni Andrea ang kanyang bihirang kondisyon.
“Pero wala akong pang-amoy. Pinanganak po akong walang sense of smell. Meron po akong congenital anosmia,” ani Andrea.
Ayon sa isang health website, ang “congenitalanosmiais a condition in which people are born with a lifelong inability to smell.”
Maaari itong hiwalay na abnormalidad o may kaugnayan sa isang partikular na genetic disorder katulad ng Kallmann syndromeocongenital insensitivity to pain.
Ipinaliwanag naman ni Andrea ang kanyang teorya kung bakit masagana siyang kumain na iniuugnay niya sa kanyang kondisyon.
“‘Di ko alam. Feeling ko kaya po talaga ako mahilig sa malasa, kaya ako masagana kumain, mahlig ako sa fatty food, sa matatamis kasi baka kulang nga yung panlasa ko,” sabi ni Andrea.
“Meron akong desire na amoy. Actually yung naaamoy ko lang talaga is alcohol, yung rubbing alcohol. Dapat one hundred percent. Di ko nga alam kung amoy ba siya or parang feeling lang na ang anghang niya sa ilong,” dagdag ng young actress.
Para kay Andrea, ang kanyang “desired smell” ang matatamis kagaya ng honey.
“Ini-imagine ko gusto ng honey, milk. Hindi ko alam ano amoy ng warm vanilla pero sabi nila matamis daw yun so parang ganun,” pagdedetalye ni Andrea.
“Gusto ko lang parang niyayakap ka ng chocolate, honey, milk--sweet at warm–na parang gusto kong maayos,” pagpapatuloy ng aktres.
Ang kondisyon ni Andrea ay bihira sa mundo ng science and health. Sa katunayan ang madalas na kaso nito’y hindi pa namana o walang trace sa kasaysayan ng isang pamilya.
Suspetsa ng mga eksperto, ang congenital anosmia ay nakuha dahil sa abnormal na development ng olfactory system bago maipanganak ang isang sanggol. Gayunpaman, wala pang malinaw na dahilan para ipaliwanag ang ganitong mga kaso.