Noong nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (PGMA) ang Republic Act No. 9337, o ang Expanded Value-Added Tax Act of 2005, bumaba ang kaniyang popularidad. Hindi na nakabawi ang kanyang approval ratings dahil hindi pa naintindihan noon ng mga Pilipino ang mga benepisyo ng batas na ito. Pagkalipas ng labinlimang taon, wala siyang pinagsisisihan. Kung gagawin niya itong muli — pipirmahan pa rin niya ang nasabing batas.

Sabi sa akin ni PGMA, “Dapat handa ang isang lider na gumawa ng mga hindi popular na desisyon. Alam ng sinumang ekonomista na matagal nang kailangan ang fiscal reforms. Kinailangan itong gawin. Kailangan ito ng bansa.”
Ipinaliwanag niya na bago ang mga fiscal reforms na ipinatupad sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang Pangulo, mahirap ipatupad ang mga programa sa imprastraktura dahil ang budget na galing sa mga buwis ay sapat lamang para sa mga suweldo at legal obligatory expenditures ng gobyerno. Kung gusto nilang gumastos sa imprastraktura, kailangan nilang umutang. Ibig sabihin, kung gusto nila ng mas malalaking programa sa imprastraktura, kakailanganin nila ng mas malaking paghiram, na hahantong sa mas malaking pagbabayad ng interes. Kapag ang pagbabayad ng interes ay tinustusan sa pamamagitan ng isa pang pautang maaari itong mauwi sa bankruptcy.

Malinaw kay PGMA na dapat simulan ng gobyerno ang pagpopondo sa bulto ng physical at human infrastructure mula sa pagbubuwis.
Ang fiscal reforms ni PGMA ay naging kapaki-pakinabang para sa bansa dahil ibinaba nito ang ating mga deficit ratios, nakakuha tayo ng ratings upgrades, at napondohan ang economic stimulus at social safety nets laban sa global recession.
“Nagkaroon tayo ng 38 quarters ng patuloy na paglago, habang ang mundo ay nakaranas ng recession. Noong panahong iyon, nasa two-thirds ng mundo ang nakaranas ng recession, ngunit hindi ang Pilipinas,” paliwanag ni PGMA.
Noong 2013, tatlong taon matapos ang kanyang pagkapangulo, nang ang Pilipinas ay nakakuha ng investment grade rating, sinabi ng Fitch, “Improvements in fiscal management begun under President Arroyo have made general government debt dynamics more resilient to shocks.”
Tinanong ko siya kung interesado na ba siyang pumasok sa gobyerno noong bata pa siya. Sabi niya, hindi pa ito partikular sa kanya noon, ngunit alam niyang nais niyang gumawa ng marangal tulad ng kanyang ama, si dating Pangulong Diosdado Macapagal.

Nag-aral ng dalawang taon si PGMA sa Georgetown University sa Washington, D.C. kung saan naging kaklase at kaibigan niya si Bill Clinton, na magiging ika-42 Presidente ng Estados Unidos at si Alfredo Cristiani, na magiging ika-37 Presidente ng El Salvador. Wala raw silang ideya noon na sila ang magiging presidente ng kani-kanilang bansa.

Nakuha niya ang kanyang Bachelor of Arts degree sa Economics at nagtapos ng magna cum laude sa Assumption College San Lorenzo noong 1968. Nagtapos siya ng Master's Degree sa Economics sa Ateneo de Manila University at PhD sa Economics sa Unibersidad ng Pilipinas.
Naging propesor siya ng economics sa tatlong institusyon na ito bago siya pumasok sa gobyerno bilang Assistant Secretary ng Department of Trade and Industry sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Cory Aquino, na itinuturing niyang isa sa kanyang mga mentors.
Kailanman ay hindi naisip ni PGMA na hadlang ang kasarian sa pagpasok sa gobyerno dahil, hindi tulad sa ibang bansa, iginagalang sa Pilipinas ang papel at partisipasyon ng kababaihan.
Sa panahon ng kanyang pagkapangulo, ang Pilipinas ay kabilang sa mga nangungunang bansa sa mundo sa aspeto ng gender equality. Sa katunayan, si PGMA ay pinangalanan ng Forbes bilang pang-apat na pinakamakapangyarihang babae sa mundo noong 2005, noong ang US State Secretary Condoleezza Rice ang nanguna. Sa parehong taon, naging Pangulo ng United Nations Security Council ang Pilipinas at pinangunahan ni PGMA ang UN Security Council Summit na dinaluhan ng kanyang mga kapwa pinuno ng estado, tulad nina George W. Bush ng US, Hu Jintao ng China, Jacques Chirac ng France, Vladimir Putin ng Russia, at Tony Blair ng UK, bukod sa iba pa.

Sa puntong ito ng kanyang buhay, sinabi ni PGMA na pangarap niya na makabalik ang Pilipinas sa hanay ng mga itinuturing na first world na bansa. Sa panahon ng pagkapangulo ng kanyang ama, ang bansa ay pangalawa lamang sa Japan sa Asya. Umaasa siyang ang henerasyong ito at ang susunod na henerasyon ay makakakita ng isang first-world na Pilipinas.