Nagbabala kahapon ang OCTA Research Group na posibleng makaranas muli ang Pilipinas ng ‘resurge’ ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 sa susunod na taon.
Ito’y kung hindi kaagad maipagkakaloob ng pamahalaan sa mga mamamayan ang booster shots ng COVID-19 vaccines.
Ayon kay OCTA fellow Fr. Nicanor Austriaco, habang binabakunahan ng pamahalaan ang mga mamamayan ay dapat na ring naghahanda ito sa pagtuturok ng booster shots.
Aniya, sa loob ng anim hanggang walong buwan ay maaaring mabawasan o humupa na ang population immunity.
Aniya pa, maaari itong maganap sa una o ikalawang bahagi ng taong 2022.
“As we continue to vaccinate our kababayans… we must prepare to administer boosters as our population immunity will wane after six to eight months,” pahayag pa ni Austriaco, sa isang briefing nitong Huwebes. “Otherwise the risk for Delta re-surge will increase.”
Sinabi naman ni Austriaco na sa ngayon ay ‘relatively low’ pa ang posibilidad ng resurgence ng variant dahil huli na aniya nang magbakuna ang Pilipinas.
Matatandaang una nang sinabi ni Austriaco na dapat pa ring gawing prayoridad ng pamahalaan na mabakunahan ang mga Pinoy na hindi pa nakakatanggap ng bakuna laban sa COVID-19.
Sinabi na rin naman ng pamahalaan na plano nilang makapagbigay na rin ng booster shots at third dose ng vaccine sa mga mamamayan sa mga susunod na araw.
Mary Ann Santiago