Kinakikiligan ngayon sa social media ang video ni Ronald Lapinig, 32 taong gulang na nagkunwaring nahimatay upang makapag-propose ng kasal sa kaniyang nobyang si si Maricar Reyes, 29 taong gulang, mula sa Malolos, Bulacan.
Ayon kay Ronald, ito ang naisip niyang pakulo upang maging kakaiba ang paghingi niya sa kamay ng dalaga sa pagtanong niya rito ng 'Will You Marry Me' na naganap noong Oktubre 3, 2021.
Sa video, makikitang pinagkaguluhan si Ronald dahil kunwari ay nahimatay ito. Dinala ito sa isang plastik na upuan. Labis namang kinabahan si Maricar sa nangyari sa kaniyang boyfriend kaya’t humahangos na lumapit siya rito at pinaypayan pero bigla na lang inilabas ni Ronald ang singsing at inabutan na siya ng pulumpon ng mga bulaklak at doon na nagpalakpakan ang pamilya ni Maricar. Ipinakita pa ang hand-made backdraft na may nakalagay na 'Will You Marry Me?'
Kahit na kinabahan si Maricar sa ginawang pakulo ni Ronald mukhang nagtagumpay naman ang plano nito.
Apat na taon na ang relasyon bilang mag-jowa nina Ronald at Maricar.