Patuloy sa pagbaba ang bilang ng mga aktibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, na ngayon ay umaabot na lamang sa mahigit 28,000.

Sa case bulletin No. 607, nakapagtala na lamang ang Department of Health (DOH) ng 1,974 bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas nitong Huwebes, Nobyembre 11.

Mas mababa ito kumpara sa 2,646 na bagong kaso na naitala ng DOH nitong Nobyembre 10.

Dahil sa mga bagong kaso ng sakit, umaabot na ngayon sa 2,811,248 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.

Sa naturang kabuuang bilang, 1.0% na lamang o 28,660 ang aktibong kaso o may potensiyal pang makahawa.

Sa mga active cases naman, 62.1% ang nakakaranas ng mild symptoms, 17.15% ang moderate cases, 10.4% ang severe cases, 5.9% ang asymptomatic o walang nararamdamang sintomas, at 4.4% ang kritikal.

Mayroon ding 2,388 mga pasyente ang gumaling na sa sakit kaya sa kabuuan, nasa 2,737,722 na ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.4% ng total cases.

Mayroon pa rin namang 142 pasyente na namatay sa COVID-19.

Sa kabuuan, nasa 44,866 na ang COVID-19 deaths sa bansa o 1.60% ng total cases. 

Mary Ann Santiago