Pinamumunuan nina Southeást Asian Games gold medalists Maggie Ochoa at Annie Ramirez, nakatakdang sumabak ang pito-kataong koponan ng bansa sa Jiu-Jitsu International Federation World Championships sa Jiu Jitsu Arena sa Zayed Sports City, Abu Dhabi, United Arab Emirates na nagsimula kamakailan.
Ito ang unang torneo na lalahukan ng national jiu-jitsu team makaraan ang halos dalawang taon pagkatapos ng 2019 SEA Games kung saan umani sila ng 5 gold, 3 silver at 3 bronze medals.
“We’ll just do our best. We can’t guarantee anything because we haven’t competed for almost two years,” pahayag ni Ramirez. “It’s our first tournament during the pandemic.”
Nag-umpisa na ang torneo noong Nobyembre 3, gayunman, sasalang pa lang ang mga Pinoy sa aksyon sa Huwebes.
Maliban kina Ochoa (-48 kgs) at Ramirez (57 kgs), kasama nila sa women’s team sina Jollirine Co (-48 kgs) at 2019 SEA Games silver medalist Jenn Napoles (-52 kgs).
Kabilang naman sa men’s team sina SEA Games gold medalist Angelo Carlo (-56 kgs), Marc Alexander Lim (-69 kgs) at Luigi Ladera (-94 kgs).
Marivic Awitan