“Overwhelmed” ang presidential at vice presidential aspirants na sina Vice President Leni Robredo at Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa suportang natanggap sa kanilang pagbisita sa Batangas nitong Miyerkules, Nob. 10.

Sabi ni Robredo, hindi niya inaasahan na malugod silang sasalubungin ng mga lokal na opisyal kung saan nakatakda silang makipagpulong sa mga multi-sectoral groups at volunteer organizations.

“Completely ovewhelmed kami pero even before pumunta kami nakikita kasi namin sa Facebook o pinapadala sa amin,” ani Robredo sa isang media briefing.

“Kaya ngayon, nakita na namin sila in person sobrang overwhelmed kami dahil sa napakainit na pagtanggap. Hindi namin ito inaasahan kasi late na kami nagdecide. Iniisip namin baka committed na lahat,” dagdag niya.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Kasama ng Bise Presidente si Pangilinan aT ang kanilang senatorial candidates, sina dating Ifugao Rep. Teddy Baguilat Jr. at labor leader na si Sonny Matula.

Katulad sa kanilang mga naging pagbisita sa ibang probinsya, mainit na sinalubong sina Robredo at Pangilinan o ang TRoPA ng mga Batanguenos na naghanda ng isang stationary caravan mula Balagtas Exit of Star Toll hanggang sa kahabaan ng Alingilan National Highway.

Doon ay sinalubong sila nina Batangas 5th District Rep. Marvey Marino, Mayor Beveryly Dimacuha, at mga tagasuporta sa isang meet and greet sa Plaza Mabini sa Batangas City.

Nanalo si Robredo bilang bise presidente noong 2016 sa lalawigan sa mahigpit na laban kay dating Senador Ferdinand Marcos Jr., bagama’t noon man ay miyembro pa rin ng naghaharing Liberal Party sina Senator Ralph Recto at Batangas 6th District Rep. Vilma Santos Recto.

Sinusuportahan at inendorso naman ngayon ng mga Recto si Manila Mayor Isko Moreno at nangakong maghahatid ng isang milyong boto mula sa lalawigan para sa alkade.

Hindi naman inakala ni Robredo na magkatatanggap sila ng lokal na suporta mula sa lalawigan kagaya ng dati.

“Pero ngayon nararamdaman namin, parang ‘yung pakiramdam nga namin mas desido pa ‘yung mga tao ngayon,” dagdag ni Robredo.

Ibinahagi rin mismo ni Pangilinan na lumalabas ang mga tao sa kanilang tahanan kapag naririnig na papalapit na sila.

“Hindi ko nakita ito sa maraming eleksyon,” sabi ni Pangilinan.

Bukod sa meet-and-greet event, nagsagawa rin ng multisectoral group meeting sina Robredo at Pangilinan sa Brgy. Sampaga at People’s Council Meeting kasama ang civil society at volunteer groups sa Batangas Provincial Auditoriom sa Batangas Provincial Capitol, bukod sa iba pa.

Raymund Antonio