Si dating Philippine National Police (PNP) Spokesperson at PRO-8 Regional Director Dionardo Bernado Carlos ang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte na hahalili kay PGen. Guillermo Eleazar bilang pinakabagong PNP chief.

Si Carlos ay unang sinanay ng Philippine Military Academy sa Baguio City mula Abril 1, 1984 at nakapagtapos bilang 2nd Lieutenant noong Marso 8, 1988.

Bago ang kanyang pagsasanay sa PMA, ipinamalas na ni Carlos sa kanyang husay sa edukasyon. Sa katunayan, nagtapos siya bilang Salutatorian sa sekondarya sa Luzoninan University Foundation o kilala ngayong Manuel S. Enverga University sa Lucena City.

Isang taon pa siyang namalagi sa University of the Philippines (UP) Diliman bago makapakasok sa PMA noong 1984.

Human-Interest

WFH employee, nagbigay-pugay sa supportive niyang ina: 'Dahil pala sa kaniya...'

Ipinangangak sa Lucena City, Quezon si Carlos sa mga magulang na sina Osmundo “Dody” de Ocampo Carlos, isang marine biologist, at Erlinda Sabarre Bernardo, isang registered nurse.

Ang karera ni Carlos sa hukbong sandatahan ay nagsimula nang magsilbi siyang lieutenant sa Camp Guillermo Nakar sa kanyang hometown sa Lucena City. Kabilang sa unang assignment ni Carlos ang maging bahagi ng Regional Special Action Force 4 (RSAF4) Battalion at kalauna’y ng 224th PC/INP Company sa Los Banos, Laguna.

Sunod na naging parte si Carlos sa hukbo ng pamahalaan laban sa New People’s Army (NPA) insurgency sa Quezon, Laguna at isla ng Mindoro sa ilalim ng Philippine Constabulary Anti-Insurgency Campaign.

Noong 1989, nanguna si Carlos sa kanyang pangkat sa pagpapalaya sa Naval Base sa Sangley Point Cavite mula sa mga rebelde dahilan para makuha niya ang kanyang Military Bravery Medal.

Si Carlos din at ang kanyang platoon sa Mindoro ang nanguna sa pagbuwag ng tatlong kampo ng NPA sa isla sa ilalim ng Task Force Mina de Oro na kalauna’y tinawag na Task Force Crossbow.

Matapos ang pamamalagi sa Southern Luzon, napabilang si Carlos sa international peacekeeping mission sa Cambodia kung saan isa siya sa mga naging delegada ng bansa sa United Nations Transitional Authority in Cambodia (UNTAC) mula 1992 hanggang 1993.

Nang sumunod na taon, naging bahagi si Carlos sa Special Action Force ng PNP kung saan lalong nahubog ang kanyang counter-terrorism at special operation skills sa loob ng anim na taon.

Kabilang sa mga trainings na nakuha ni Carlos sa ibang bansa ang Advance Management Course, Crisis Response Team Training, Supervisory Criminal Investigation Course and Criminal Intelligence Analysis Course, at bukod sa iba pa.

Noong 2009, kinilala bilang Country’s Outstanding Policemen in Service (COPS) lifetime achievement awardee si Carlos ng Metrobank Foundation Incorporated habang pinarangalan siyang Honorable and Outstanding Police Enforcer (HOPE) awardee ng JCI Manila noong 2003.