Hiniling na ng anim na mambabatas na magsagawa ng Congressional investigation kaugnay ng kontrobersyal na anti-drug operations ng mga awtoridad sa isang resort sa Mabini, Davao de Oro na kinasasangkutan umano ng hepe ng public information office (PIO) ng Davao City kamakailan.

Ang hakbang ng anim na kongresistang miyembro ng Makabayan bloc ay nakapaloob sa House Resolution No. 2342.

Ayon kina Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate; Reps. Ferdinand R. Gaite at Eufemia Cullamat ng Bayan Muna; Asst. Minority Leader France Castro (ACT Teachers Partylist); Asst. Minority Leader Arlene Brosas (Gabriela Women’s Partylist) at Rep. Sarah Jane Elago (Kabataan Partylist), layunin lamang ng isasagawang House inquiry na maisapubliko ang katotohanan sa alegasyong nagkaroon ng cover up sa pagkakadawit ni dating Davao City PIO chief Jefry Tupas.

Sinasabing si Tupas ay pinakawalan ng mga awtoridad, kasama ang 33 iba pa. Gayunman, aabot sa 17 indibidwal ang inaresto.

Probinsya

Mga narekober na katawan mula sa MBCA Amejara, anim na!

Nauna nang lumabas ang alegasyon ng mga nadakip na suspek na pinakawalan pa rin ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Davao, National Bureau of Investigation (NBI) at ng Mabini Municipal Police Station ang grupo ni Tupas, kahit kontrolado na ng mga ito ang sinalakay na resort sa Barangay Pindasan sa Mabini kung saan idinaos ang beach party nitong Nobyembre 6.

Nasamsam sa nasabing operasyon ang P1.5 halaga ng shabu at party drugs.

Matapos ang insidente, naiulat na magbibitiw na sana sa puwesto si Tupas, gayunman, agad itong sinibak ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Nahaharap na ng kasong illegal possession of illegal substance ang 17 na suspek.

Ben Rosario