Binuwag ng mga operatiba ng pulisya ang isang hinihinalang drug den at inaresto ang limang katao sa Taguig City nitong Lunes, Nob. 8.
Sa anunsyo ni Southern Police District (SPD) Director, Brig. Gen. Jimili Macaraeg, inihayag nitong nagsagawa ng buy-bust operation ang District Drug Enforcement Unit (DDEU-SPD) sa pamumuno ni Police Maj. Cecilio Tomas Jr., katuwang ang ilang tauhan ng District Mobile Force Battalion, dakong 4:45 p.m. noong Nobyembre 8 na nagresulta sa pagkakalansag sa isang drug den sa Kalayaan Street, Brgy. Ususan sa Taguig.
Arestado sa operasyon sina Alladin Escobar, 37; Ma. Fe Magallanes, 36; Zenaida Bilan, 64; Erlinda Macay, 58; and Ramon Granado, 53, lahat residente ng Brgy. Ususan.
Nakumpiska sa operasyon ang anim na plastic sachet na naglalaman ng putting crystalline substance na hinihinalang shabu (methamphetamine hydrochloride) na tumitimbang ng humigit-kumulang na pitong gramo at tinatayang P47,600 ang halaga, isang P500 bill na ginamit sa buy-bust money, dalawang aluminum foil na may residue at isang lighter.
Kakasuhan ng pulisya ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“I am warning our countrymen not to get involved in any illegal activities because we are serious in our mandate. We are calling on the public to cooperate with the police and not be afraid to report to the nearest station any illegal activity in their area,” sabi ni Macaraeg.
Jonathan Hicap