Kapwa nagpahayag nang pagtutol sina Manila Mayor Isko Moreno at San Juan Mayor Francis Zamora, sa panukala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ‘no bakuna, no ayuda policy’ sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan.
Ayon kay Moreno, ‘unfair’ ang naturang panukala at hindi sang-ayon sa layunin ng 4Ps, gayundin ng national government COVID-19 financial assistance programs.
Aniya pa, hindi maaaring parusahan ng pamahalaan ang mga mamamayan dahil lamang ayaw magpabakuna ng mga ito.
“The concept of ayuda and 4Ps is to alleviate yung buhay ng tao and you cannot penalize somebody because ayaw nila magpabakuna. Di natin sila bibigyan ng ayuda? It defeats the purpose of government to help the poorest of the poor,” paliwanag ng alkalde sa panayam sa telebisyon.
“You cannot penalize them for not being vaccinated. That is unfair,” aniya pa.
Samantala, sinabi naman ni Zamora na hindi rin siya sang-ayon sa naturang panukala dahil sa halip aniyang ipitin ang ayuda ng mga mamamayan ay maaari naman silang hikayatin muna na magpabakuna upang maproteksiyunan laban sa COVID-19.
“Para sa'kin let me convince them first. Kung meron sigurong di pa vaccinated sa 4Ps,” ani Zamora, sa panayam rin sa telebisyon. “Kapag naintindihan nila how important these vaccines are for their families, how it will affect their lives, they might just change their minds.”
Nauna nang sinabi ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na ipinanukala nila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na huwag bigyan ng ayuda ang mga benepisyaryo ng 4Ps na tumatangging magpabakuna.
Nilinaw naman ni DILG Secretary Eduardo Año na nais lamang nilang mahikayat ang mga mamamayan na magpabakuna na para mapalawak pa ang herd immunity ng bansa laban sa COVID-19.
Mary Ann Santiago