ASINGAN, Pangasinan -- Naging sentro ng usapan at katuwaan sa social media ang isang post ng giant saging na nakita sa Barangay Cabalitian.
Ayon kay Mel Aguilar, na siyang information officer ng Asingan, nakahiligan na nito ang maglabas ng mga kakaibang balita tulad nito para mas malaman ng mga tao na may maganda at hindi lang negatibo na publicity ang nababasa ng mga tao.
Nabatid mula kay Aguilar sa kaniyang naging panayam sa may-ari na si Winnie Tarangco na ang bawat saging ay tumitimbang ng halos tatlo hanggang apat na kilo at may haba na labing anim na pulgada.
"Sa haba nga nito hindi ko kayang ubusin kung ako lang mag isa, hindi yan kagaya ng normal na saging natin na isang kainan lang. Yan talaga hindi mo kayang kainin sa isang araw na kakainan," Pahayag ni Winnie kay Mel.
Mas kilala sa tawag na "tindok" o plantain ang higanteng saging na namumunga lang kada labing isang buwan.
Nagpahayag naman siErnesto Pascual, Municipal Agriculturist ng bayan ng Asingan "Hindi talaga yan pang commercial, para bang inaalagaan na lang na ornamental na paisa-isa."
"Ang mga saging ay mas madalas lumalaki sa mga tropical na lugar gaya sa Pilipinas at parte ng Asia," dagdag pa niya.
Liezle Basa Inigo