Patuloy na iginiit ni Vaccine czar Carlito Galvez Jr.ang kanyang suporta sa panukalang pagkaantala ng pamamahagi ng cash assistance sa mga tatanggap ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kung hindi pa sila nababakunahan laban sa coronavirus disease (COVID-19).

Sinabi ni Galvez na magsisilbing incentive ang 4Ps aid matapos nilang mapansin na marami pa rin sa mahihirap na sektor ang hindi pa bakunado.

Alinsunod dito, 12 percent lamang ng 4.4 milyong benepisyaryo ng conditional cash transfer program ang nabakunahan laban sa COVID-19.

“Nakita natin nasa risk area itong mga tumatanggap ng 4Ps. The higher perspective of the constitutional mandate protecting the people and the State. Iyon ang dapat isipin natin, ‘yong higher mandate,” sabi ni Galvez sa pagdating ng 2.8M doses ng Sputnik V vaccine sa Villamor Air Base sa Pasay City nitong gabi ng Lunes, Nob. 8.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Idinulog ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang “no vaccine, no ayuda” upang mas maraming tao pa ang maengganyong magpabakuna.

Si Galvez, DILG Secretary Eduardo Ano, at DSWD Secretary Roland Bautista ay lahat retired genera at dating Chiefs of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Dahil sa mga nakikitang legal na isyu, ang panukala ay tinutulan ng ilang mababatas, opisyal ng gobyerno, at grupo na sinabing ito ay isang anti-poor policy.

Kabilang sa mga tumutol sa panukala si Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra, na nagsabing hindi dapat suspindihin ng gobyerno ang pamamahagi ng cash assistance ng isang indibidwal batay sa kanyang vaccination status.

Aniya, sa ilalim ng COVID-19 Vaccination Program Act of 2021, ang vaccination card ay hindi magiging karagdagang mandatory requirement para sa mga transaksyon ng gobyerno, kabilang ang pagtanggap ng cash aid mula sa 4Ps, at iba pa.

Ngunit iginiit ni Galvez na dapat bigyan ng kalayaan ang mga local government units (LGUs) na magpatupad ng sarili nilang “strategies” para mapalakas ang kanilang vaccination drive, kabilang na ang pagpapaantala ng tulong pinansyal sa mga hindi pa bakunadong 4P’s beneficiaries.

Binanggit niya ang isang local chief executive na nagbabala umano sa kanyang nasasakupan na hindi sila makatatanggap ng cash aid kung hindi sila nabakunahan.

“May isang LGU na talagang sinabi niya sa mga tao: ‘Kapag hindi kayo nagpavaccine, hindi namin kayo bibigyan ng ayuda.’ Dumagsa ang mga tao. Ngayon ang kanyang city, almost 90 percent… 97 percent ang kanyang ano. Nauuna siya sa kanyang mga city,” sabi ni Galvez.

Hindi naman binanggit ni Galvez ang partikular na LGU ngunit sinabi nitong magandang hakbang ang panukala upang maitaas ang vaccination output sa buong bansa.

“Dapat ibigay na natin sa LGU ang diskarte. Maraming diskarte eh. Gusto naman ng tao, ang ano lang kulang lang sa motivation. We used the 4Ps as an incentive. Hindi siya disincentive,” sabi niya.

Martin Sadongdong