Kinumpirma ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na naitala na nila sa bansa ang kauna-unahang kaso ng B.1.617.1 COVID-19 variant o dating kilala sa tawag na Kappa variant.
Sa isang pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni Vergeire na ang unang kaso ng B.1.617.1 variant sa bansa ay local case at natukoy sa isang 32-anyos na lalaki mula sa Floridablanca, Pampanga.
Ang pasyente ay nakarekober na sa karamdaman at napaulat na nagkaroon ng mild na sintomas ng sakit.
Nakolekta aniya ang sample nito noong Hunyo 2, 2021 pa, kung kailan ang B.1.617.1 variant ay itinuturing pa lamang na variant of interest.
Gayunman, simula noong Setyembre 20, 2021, ang naturang variant ay itinuturing na bilang ‘variant under monitoring’ ng World Health Organization (WHO).
“It is a variant of interest but as of September 20, 2021, it was declassified and is currently designated by the WHO as a variant under monitoring,” ayon pa kay Vergeire.
Tiniyak naman ni Vergeire na masusi nilang iimbestigahan ang unang B.1.617.1 variant sa Pilipinas.
“Further investigation is being done by our regional epidemiology and surveillance unit in order to gather more information on this case and there is strict monitoring of this case and the community,” pagtiyak pa niya.
Matatandaang ang Kappa variant, na nagmula sa lineage na kahalintulad ng sa Delta variant, ay unang natukoy sa India noong Oktubre 2020.
Mary Ann Santiago