Nakatakdang maglabas ang Metro Manila mayors ng ‘unified standard protocols’ para sa mga pampublikong lugar sa rehiyon, ngayong nasa ilalim na ito ng mas maluwag na Alert Level 2.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, nagpulong na silang mga alkalde sa Metro Manila at napagkasunduan nilang bumuo ng standard at unified protocols para sa mgaestablisyementoat mga pampublikong lugar na dinarayo ngayon ng mga tao.
Aniya, layunin nitong maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa iisang lugar na nagpapatupad ng mas maluwag na mga panuntunan.
“Kahapon ay nagkaroon kami ng pagpupulong mga Metro Manila mayors sapagkat hindi naman sa Marikina lamang ito nagiging problema. Gusto namin, sa level ng mga mayor, ay magkaroon ng isang standard at unified protocol para sa mga establishments at ganoon din para doon sa mga public areas na dinarayo ng mga kababayan natin,” anang alkalde, sa isang panayam sa teleradyo.
“Hindi lang sa Marikina, pero nakikita nga namin, halimbawa, dapat unified talaga at standard dahil, dapat pare-pareho kami ng mga regulation eh, dahil kung maluwag sa isang lugar, doon pumupunta yung mga tao eh. Doon dumadagsa,” paliwanag pa niya.
Aniya pa, minamadali na nila ngayon ang naturang resolusyon sa unified protocols.
Hinihingi na lamang aniya nila ang rekomendasyon ng mga eksperto mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) at ng Department of Health (DOH) hinggil dito.
Inaasahan rin aniya niyang mailalabas nila ang naturang resolusyon ngayong linggong ito.
“Minamadali namin ‘to eh, ang hinihingi namin ay yung recommendation na ngayon ng mga experts natin sa Inter-Agency Task Force Against COVID-19 partikular doon sa Kagawaran ng Kalusugan. From the Department of Health because this is a health issue na kailangan nating ma-address. Inaasahan namin ngayong linggo ay lalabas na ito,” aniya pa.
Mary Ann Santiago