Hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang Department of Transportation (DOTr) na payagan ang mas maraming tradisyunal na bus at jeepney na dumaan sa karaniwang ruta sa Metro Manila at mga lalawigan habang unti-unting bumabalik sa normal ang bansa sa ilalim ng Alert Level 2.
Sinabi ni Hontiveros na dapat dagdagan ng DOTr ang bilang ng mga pampublikong sasakyan na magagamit ng publiko, lalo na sa mga rutang inirekomenda kamakailan ng mga consultant ng Land Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Idinagdag ng senador, maaari itong gawin kahit na pansamantala lang, at hindi idiskaril ang Public Utility Vehicle (PUV) modernization program upang matiyak ang kaligtasan ng mga commuter.
“Ang siksikang pampublikong transportasyon ay COVID superspreader. Kaya panahon na para payagan muna uli ng DoTr na bumyahe ang mga traditional buses at jeepneys at magbukas ng mga bagong ruta, lalo pa at inaasahang mas marami na ang mga commuters, sabi ni Hontiveros.
Pinunto ng senador na kahit na inalis ng mga awtoridad ang mga ordinansa sa curfew dahil sa pagbaba ng mga kaso ng COVID-19, at ang kapasidad ng pasahero ng mga PUV ay nadagdagan sa 70 percent, hindi ito nangangahulugan na ang mga paghihigpit ay maaaring “relaxed.”
Sinabi ng mambabatas na mahalagang mag-deploy ng sapat na bilang ng mga PUV sa kahabaan ng EDSA upang maiwasan ang mga pasahero na maupo nang magkalapit sa isa’t isa.
“Magandang balita na bumababa na ang kaso ng COVID-19 sa bansa, pero hindi tayo dapat makampante, ani Hontiveros.
“Kailangang matiyak na may sapat na bilang ng pumapasadang jeep, bus at UV express para ligtas, hindi nagsisiksikan, at may physical distancing pa rin para maiwasan ang pagkalat muli ng virus,” dagdag ng mambabatas.
“Ituloy natin ang strict implementation ng health protocols lalo na’t hindi pa nagsisimula ang pagbabakuna ng booster shots,” dagdag niya.
Nauna nang hinimok ni Hontiveros ang DOTr na palawakin ang kanilang service contracting program para matugunan ang kalagayan ng parehong driver at commuters sa gitna ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon sa senador, magiging win-win situation din para sa mga driver at commuter ang pagpapahintulot sa mas maraming driver ng mga modernong jeep at bus na dumaan sa karaniwang ruta.
Hannah Torregoza