Ayon sa isang grupo, nag-isyu na ng paumanhin sa kanyang “hindi naangkop” na video sa Tiktok ang lalaking guro na nag-viral kamakailan lang.

“Naglabas na ng apology yung ating teacher po dito at sinabi niyang yon ay katuwaan lang,” sabi ni Teachers’ Dignity Coalition (TDC) National Chairperson Benjo Basas sa isang panayam sa Teleradyo nitong Lunes, Nob. 8.

Matatandaang isang guro sa Pampanga ang nag-upload ng video sa Tiktok sa gagawin nito kapag may dumaan na “cute” na estudyante. Hindi ito ikinatuwa ng DepEd at sa halip ay itinuring pang “potential child abuse action.”

Metro

Mga deboto ng Jesus Nazareno, maaaring sumakay sa LRT-1 nang nakayapak

Screengrab mula sa viral Tiktok video ng isang guro

Inatasan pa ni Education Secretary Leonor Briones ang Regional Director ng DepEd Central Luzon na “agad imbestigahan” ang nasabing insidente.

Tinanggap naman ng TDC ang hakbang ng DepEd. Binanggit ni Basa na hindi dapat pabayaan ang aksyon ng nasabing guro lalo pa’t hindi direktang kinasasangkutan nito sa isang mag-estudyante.

“Again hindi naman natin pupuwedeng sabihin na yung lahat ng mga bagay basta katuwaan lang ay palalampasin po natin,” sabi ni Basa.

Para sa TDC, kailangan itong gawin ng ahensya upang sitahin ang guro sa kanyang aksyon. Ipinunto din ni Basas ang kahalagahan na maimbestigahan ang usapin upang maungkat pa ang insidente.

“In child abuse, there is no need for intention as long as there is perceived and potential abuse seen by the authority or the offended party, if ever, child abuse would exist,” ani Basas.

Nagpasalamat naman si Basa sa paaralan sa hindi pagpapabaya ng guro at sa agarang pagtugon sa mga inihaing reklamo ng mga stakeholder.

“Nagkaroon ng investigation, na yung discipline committee ng eskwelahan ay tinipon at yun nga, nagkaroon ng tinatawag po natin po ano na recommendation para sa pwedeng gawin ng ating teacher,” sabi ni Basas.

Dahil dito, binanggit ni Basa na hindi na dapat isapubliko pa ang pangalan at pagkakakilanlan ng nasasangkot na guro.

“Again hindi po namin sinasabi na walang kasalanan yung teacher. Ang sabi nga namin baka merong kasalanan eh. Pero to establish yung kasalanan po na ito, kailangan pong imbestigahan,” sabi niya.

“Sinasabi po namin wala pong problema kung yung teacher ay imbestigahan pero wag naman po sanang pagpiyestahan,” dagdag niya.

Sa hiwalay na Facebook post noong Nob. 5, muling iginiit ni Basa ang pangangailangang protektahan ang mga bata laban sa mga posibleng pang-aabuso.

Binanggit din niya na dapat ding paulit-ulit na paalalahanan ang mga guro paano kumilos nang naayon lalo na sa social media.

“Tama lang protektahan ang mga bata. Tama lang na paalalahanan ang guro, pero pakinggan din natin ang side niya," ani Basas.

“Unfair na mahusgahan agad at mawasak ang pagkatao ng sinuman dahil lang sa simpleng Tiktok video,” dagdag niya.

Merlina Hernando-Malipot