Ininspeksiyon nitong Lunes, Nobyembre 8 ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang desilting operations sa ilog ng Parañaque bilang parte ng flood control measures ng ahensya.
Sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na aalisin ng ahensya ang “island” na gawa ng iba't ibang mga basura at burak kung saan itinayo ang mga barung-barong na nagsilbing pahingaang lugar ng mga mangingisda sa lugar.
Ayon pa kay Abalos na aabutin ng tatlo hanggang apat na buwan bago tuluyang matanggal ang mga tambak ng basura sa ilog na tinatayang 26,000 cubic meters.
Binigyang-diin ng Chairman na ang banta o peligro ng garbage island ay hanggang sa ilog, mga daluyan ng tubig at karatig mga komunidad kasama na ang Manila Bay.
“If we don’t act up on this, more structures will be built in the area. But the most alarming possibility is its effect on the water flow along the river and the waste will be very toxic to the community and surrounding waters,” paliwanag ni Abalos.
Inilahad din ni Engineer Baltazar Melgar, pinuno ng MMDA Flood Control and Sewerage Management Office, na ang proseso ng pagtatanggal ng lahat ng basura sa lugar ay sobrang mahaba at may kabagalan sa paghahakot ng mga ito at pagtatapon sa landfill.
Sa ginawang paglalarawan ng Chairman sa bigat ng problema sa basura at waste management, nanawagan ito sa publiko na ireport ang mga tambak ng basura na nakaharang sa mga daluyan ng tubig.
“I call on everyone to report to the MMDA problems like this where there is mass of garbage that needs to be addressed and removed immediately.”
“I also urge the public to throw out garbage responsibly and practice recycling to lessen waste and help mitigate floods,” dagdag nito.
Nabatid na ang MMDA ay nakapaglagay na ng 30 trash nets sa mga kanal at estero sa Metro Manila upang maharang o malambat ang mga basura na kokolektahin naman kada tatlong araw para makatulong ito na mabawasan ang pagkasira ng mga pumping stations na nasa pangangalaga ng ahensya.
Bella Gamotea