Nagpahayag ng suporta si Vaccine czar Carlito Galvez Jr nitong Lunes, Nob. 8 sa panukala ng Metro Manila Council (MMC) sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na alisin na ang paggamit ng face shields sa mga pampublikong lugar maliban sa mga lugar na may mataas na peligro gaya ng mga medical facilities habang patuloy na bumababa ang kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

Ani Galvez, ang pinangungunahan niyang National Task Force (NTF) Against COVID-19ay may parehong rekomendasyon sa Department of Health (DOH)-led IATF nang magpulong kamakailan ang ilang miyembro ng Gabinete.

“Iyon din ang recommendation na magiging voluntary na siya at magiging required na lang sa high-risk areas,” sabi nito sa Laging Handa briefing.

Kinumpirma ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sumang-ayon ang mga local chief executives sa Metro Manila na alisin na ang face shield policy maliban sa mga ospital, health center at pampublikong sasakyan.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na isusumite nila ang kanilang opsiyal na posisyon sa IATF at kapag aaprubahan, hindi na mandatory ang paggamit ng face shield.

Samantala, una nang nagdeklarang maghahabi ng executive order si Manila Mayor “Isko Moreno” Domagosa kaugnay ng hakbang nitong nagbabasura sa face shield policy sa lungsod.

Umaasa naman si Galvez na mailalabas sa lalong madaling panahon ang guidelines sa pagtatanggal sa mandatoryong paggamit ng face shields sa Metro Manila kapag naaprubahan na ng IATF ang rekomendasyon ng MMC.

“Hopefully within this week or as soon as possible, magkaroon na ng resolution na gawing voluntary ang face shield,” pagbabanggit ng opisyal.

Maliban dito, ibinunyag ni Galvez na papayuhan din ng NTF ang IATF na tingnan ang naiulat na pagtaas ng mga kaso sa China at iba pang bansa sa Europa nitong nakaraang linggo upang makapagdesisyon ang gobyerno kung magpapatupad o hindi ng pansamantalang pagbabawal sa pagpasok ng mga indibidwal sa mga bansang iyon.

“We are closely monitoring what’s happening around the globe. Talagang kailangan magkaroon vigilance at strict observance ng minimum health standards. Ang categorizationg ng ibang countries ay very dynamic at volatile,” sabi niya.

Ayon sa mga ulat, muling nakararanas ang China ng panibagong COVID-19 surge nang makapagtala ito ng hindi bababa sa 133 Delta-linked na mga kaso sa 11 probinsya sa huling linggo ng Oktubre.

Samantala, nagbabala ang World Health Organization (WHO) noong nakaraang linggo na ang Europe ay nasa epicenter na naman ng COVID-19 matapos umanong tumaas ng 55 percent ang mga kaso nito sa nakalipas na apat na linggo.

Kabilang sa mga nakitaan ng pagtaas ng kaso sa rehiyon ang mga bansang Germany, United Kingdom, Russia, Ukraine, Italy, France, Spain, Croatia, Slovakia, Portugal, Czech Republic at bukod sa iba pa.

Martin Sadongdong