Nasa kabuuang 230,357 menor de edad na sa bansa, na kabilang sa 12-17 age group, ang bakunado na laban sa COVID-19.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ito’y base na rin sa inilabas na tally ng National COVID-19 Vaccination Operations Center.
Aniya, sa naturang bilang, 0.10% lamang naman ang nakaranas ng inaasahang temporary reactions dahil sa bakuna.
Kabilang dito ang pananakit ng vaccination site, pananakit ng ulo at pagkahilo.
May ilan naman aniya sa mga ito ang nakaranas ng anxiety attacks.
Tiniyak naman ni Vergeire na ang lahat ng insidente ng side effects na naranasan ng mga nabakunahang menor de edad ay maayos na natugunan.
Matatandaang Oktubre 15 nang simulan ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga menor na may comorbidities at kabilang sa Pediatric A3 category.
Nito namang Nobyembre 3, sinimulan na rin ng pamahalaan ang pagbabakuna sa general population ng mga minors.
Nabatid na mayroong 12.7 milyong kabataan sa bansa na nasa 12-17 age group.
Anang DOH, target ng pamahalaan na mabakunahan ang 80% o 10 milyong sa mga ito pagsapit ng Disyembre 2021.
Tanging Pfizer at Moderna vaccines lamang naman ang inawtorisa ng pamahalaan para iturok sa mga menor de edad.
Mary Ann Santiago