Kahit mahigit isang buwan pa bago sumapit ang araw ng Pasko, ramdam na ito sa Caloocan City, lalo na sa mga kawani ng City Hall.
Ngayong araw, Lunes, Nobyembre 8, sa ginanap na flag raising ceremony, inihayag ni Mayor Oscar Malapitan na ibibigay na sa darating na Lunes, Nobyembre 15 ang 14th month pay ng mga regular employees ng City Hall North at South.
Pagsapit naman ng Disyembre 15 ay matatanggap naman nila ang 15th month pay para din sa mga regular employees.Sa panig naman job order workers, makatatanggap din sila ng annual bonus/ addendum sa Nobyembre 15.
Sinabi ng alkalde na pipilitin ng lokal na pamahalaan na dagdagan ito ng mas malaki sa nakaraang taon na kanilang natanggap.
Samantala, nagpaalala din si Mayor Malapitan sa mga taga-Caloocan na bagamat mababa na ang mga kaso ng mga nagpopositibo sa COVID-19 ay kinakailangan pa rin ng pag-iingat.
Iniulat kahapon na 10 lang ang bagong kaso ng COVID-19 naitala sa lungsod, bagay na ikinatuwa ng pamahalaang lokal dahil sa pagsunod ng mga residente sa ipinatutupad na health protocols.
Orly L. Barcala.